Aktwal na bilang ng mga nasasapul ng COVID posibleng doble pa sa naiuulat – PHAPI exec

Aktwal na bilang ng mga nasasapul ng COVID posibleng doble pa sa naiuulat – PHAPI exec

June 28, 2022 @ 4:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Posibleng doble pa sa naiuulat ang tunay na bilang ng COVID-19 cases sa bansa, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) nitong Martes.

Ipinaliwanag ni PHAPI president Dr. Jose de Grano na maaaring dahil ito sa kakulangan sa COVID-19 testing, at pag-trato ng karamihan sa virus bilang pangaraniwang trangkaso.

“The real number of cases is probably double than the figures we are presenting right now because a lot of people really do not get tested and some get tested by using the rapid antigen that is not reported. So it could be higher than what is reported right now,” aniya.

Sa kabila ng pagtaas sa mga kaso, sinabi ni De Grano na nananatiling “manageable” ang hospital utilization rate sa bansa, at karamihan sa mga kaso ay mild o asymptomatic.

Batay sa ulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, 391 o 14.9% sa 2,628 intensive care unit (ICU) beds ang okupado. Samantala, 4,034 o 18.1% ng 22,251 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyang ginagamit.

Binigyang-diin din ni De Grano ang kahalagahan ng pagsunod sa minimum public health standards, lalo na ang pagsusuot ng face masks.

Naiulat ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Martes na ang pagsunod sa health protocols ay bumaba ng 21%. RNT/SA