Aktwal na kaso ng COVID, posibleng doble pa sa naiuulat – PHAPI

Aktwal na kaso ng COVID, posibleng doble pa sa naiuulat – PHAPI

September 29, 2022 @ 1:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Posibleng doble pa sa naitatalang kaso ng COVID-19 ang aktwal na nahahawaan nito.

Ito ay ayon sa pinuno ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na si Dr. Jose de Grano.

Ayon sa kanya, maaaring hindi pa naisasali sa opisyal na datos ng Department of Health sa mga bagong kaso ng sakit ang mga gumamit ng self-administered antigen test kits.

“Halos magdo-doble pa siguro doon sa nakikita nating data ngayon. Halimbawa, kung 38,000, malaki pa ‘yan. Mas marami dahil merong nagte-test sa sarili nila ng antigen at hindi na nare-report ‘yan,” ani De Grano sa panayam ng GMA News.

“Ang nare-report lang po ‘yung pumupunta sa mga accredited nating laboratoryo at sa mga ospital,” dagdag pa niya.

Dahil dito, nagpaalala si De Grano na maging maingat ang publiko sa hawaan ng COVID-19 na tumataas na naman ang bilang ng mga nahahawaan.

Sa huling tala ng DOH, mayroong 1,500 bagong kaso ng COVID-19 ang nairehistro nitong Miyerkules, Setyembre 28. RNT/JGC