Akyat bahay utas sa shootout sa Kyusi

Akyat bahay utas sa shootout sa Kyusi

August 8, 2018 @ 5:58 PM 5 years ago


 

Quezon City – Utas ang isang hinihinalang akyat bahay gang makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City kaninang madaling araw Agosto 8, 2018 (Miyerkules).

Kinilala ang nasawing suspek na si Rolando Guanzon, alyas Toto, 30-35-anyos,5’2 ang taas, kayumanggi ang balat, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay pulang t-shirt at maong na pants.

Habang nakatakas naman ang dalawang kasamahan ng suspek na hindi pa nakikilala at kasalukuyan pinaghahanap.

Ayon kay Inspector Juan Mortel ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) naganap ang insidente dakong 2:00 ng madaling araw sa kahabaan ng Aguilar Street malapit sa kanto ng Miller St., Brgy. Bungad, QC.

Sinabi sa ulat na nagsagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-QCPD sa pamumuno ni Supt. Charlie Cabradilla laban sa mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informer na magsasagawa ng pagnanakaw ang mga suspek sa isang establisyimento sa kahabaan ng Miller Street, Brgy. Bunga.

Habang nagsasagawa ng surveillance ang mga pulis namataan ng mga ito ang mga suspek na sinisira ang kandado ng isang gate sa no. 17 Aguilar St., kanto ng Miller St. Brgy. Bungad.

Sinita ng mga pulis ang mga suspek at nagpakilala na mga pulis agad na tumakas ang dalawa sa mga suspek sakay ng motorsiklo habang naiwan naman ang isa sa mga suspek sa lugar.

Sa halip na sumuko agad bumunot ng baril ang suspek at nakipagbarilan ang mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta ng pagkasawi ng suspek . (Santi Celario)