ALAMIN: Bagong polisiya sa pinaikling kwarantin inanunsyo ng DOH

ALAMIN: Bagong polisiya sa pinaikling kwarantin inanunsyo ng DOH

January 13, 2022 @ 9:47 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of  Health (DOH)  ang polisiya sa pagpapaikli ng isolation at quarantine periods para sa  onfirmed cases at close contacts sa gitna ng mabilis na  pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 dulot ng Omicron variant.

Sa anunsyo ni Health Usec Maria Rosario Vergeire, ang isolation period ng fully vaccinated na mild COVID-19 cases ay pinaikli sa 7 araw mula sa  10 araw na magsimulang magpakita ang sintomas.

Ang isolation period para sa fully vaccinated asymptomatic cases ay magiging 7 araw na lamang mula sa dating 10 araw matapos ng kanilang positive swab test result.

Sa updated isolation period, sinabi ng DOH na ang hospital infection and control committee at/o ang  Provincial Health Office ay maaring paikling ang isolation duration para sa fully vaccinated healthcare workers na may boosters ng 5 araw, sa maingat na pagtatasa ng mga benepisyo at panganib.

“May be expanded to other sectors with strict industry standards on IPC subject to IATF approval,”

Sinabi rin ni Vergeire na ang quarantine period para sa  fully vaccinated close contact ng COVID-19 patient ay paiikliin din sa 5 araw  mula sa dating 7 araw.

“For the quarantine of asymptomatic close contacts for the general public, policies are to be from seven days we shortened it to five days for those who are fully vaccinated, and we retained 14 days for partially or unvaccinated individuals,” pahayag pa ni Vergeire

Ito ay napapailalim sa IATF approval/DOH guidelines.

Mananatili naman ang 10 araw na isolation para sa mga bahagya o  hindi pa nabakunahan, at sa mga may katamtamang sintomas anuman ang katayuan ng pagbabakuna.

Samantala, ang isolation period ay mananatili sa 21 araw para sa mga severe at critical disease at mga  immunocompromised.

Sinabi ni Vergeire na hindi rin kakailanganin ang pagsusuri ng mga asymptomatic close contact maliban kung may mga sintomas.

 

Para sa mga healthcare workers  na itinuturing na asymptomatic close contact, para sa pagkakapareho ay susundin nila ang limang araw na quarantine katulad ng general public—sa kondisyon na sila ay ganap na nabakunahan.

“The general public and specific sectors like health care workers had been causing confusion on the ground,” ayon kay Vergeire kaya kinailangan i-update ang guidelines sa quarantine period kung saan maging sa ibang bansa aniya ay binabago din ang na kanilang quarantine at isolation process.

“While the US CDC (Centers for Disease Control and Prevention) is the most aggressive example by bringing down their isolation and quarantine periods to five days, we also see other countries moving down from 14 to seven to 10 days,” anang tagapagsalita ng DOH

Naniniwala aniya ang mga health experts lalo na sa  Omicron variant na ang benepisyo sa pagpapaikli ng quarantine ay mas malaki kaysa sa panganib.

“The prolonged quarantine and isolation duration has been causing strain to our healthcare system and our economy,” dagdag pa niya.

“The updated policy of the Philippines attempts to find acceptable standards given our current context and allow more flexibility to groups and sectors that can strictly implement infection, prevention, and control procedures,” sinabi pa ng opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden