ALAMIN: Mga saradong daan sa Leyte sa hagupit ni Agaton

ALAMIN: Mga saradong daan sa Leyte sa hagupit ni Agaton

April 12, 2022 @ 3:48 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sarado dahil sa landslide at mga naputol na kalsada ang ilang pangunahing highway sa Leyte habang ang bagyong Agaton ay patuloy na nagbubuhos ng malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas mula noong weekend.

Iniulat ngayong Martes ng Department of Public Works and Highways (DPWH) regional office na hindi pa rin madaanan ang mga road section sa Mailhi village sa Baybay City dahil nabarahan ang dalawang lanes ng kalsada ng landslide .

Ang nayon ay nasa loob ng highway na nag-uugnay sa Tacloban City sa Baybay City, isang pangunahing komersyal na lugar sa gitnang kanlurang baybayin ng Leyte Island.

Sa Lunas village sa Maasin City, Southern Leyte, ang kalsada ay naputol dahil sa pagguho, na naging dahilan upang ang mga highway ay hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.

Ang nasirang kalsada ay bahagi ng alternatibong highway na nag-uugnay sa Maasin City, ang kabisera ng probinsiya sa kalapit na bayan ng Bontoc.

Ang lahat ng maintenance crew at equipment ay na-deploy upang maging passable ang road sections.

Bukod sa mga kagamitan ng mga district engineering office, nagpadala din ng hydraulic excavator at isang prime mover na may trailer para i-fast track ang clearing activities ayon kay DPWH regional information officer Cressida Paula Mangaporo.

Bukas naman sa maliliit na sasakyan ang kalsada na nag-uugnay sa bayan ng Silago, Southern Leyte anang opisyal.

Dalawang malalaking landslide aniya sa Sogod, Southern Leyte ang nagsara ng pinakamaikling ruta mula Leyte hanggang Southern Leyte.

Pinayuhan naman ang mga motorista na patungong Mindanao na dumaan sa
mas mahabang rutang Tacloban-Ormoc-Baybay para makarating sa mga daungan sa Southern Leyte.

Samantala, pinalawig naman ng ilang local government units sa Eastern Visayas ang work at class suspension directive dahil sa malakas na pag-ulan. Jocelyn Tabangcura-Domenden