ALAMIN: Undas, saan nga ba nagsimula?

ALAMIN: Undas, saan nga ba nagsimula?

November 1, 2022 @ 11:15 AM 4 weeks ago


Manila, Philippines- Tinatawag na “Undas” ang pista ng patay sa Pilipinas. Ayon sa eksperto, ang salitang ito ay nagmula sa salitang Espanyol na “honras funebres” o funeral honors na sa ibang lalawigang Tagalog ay naging “honras” at “undras”.

Ang paggunita nito sa buong mundo ay may mahabang kasaysayan.

Noong ika-10 siglo, ang Todos Los Santos ay ginugunita tuwing May 13th. Pero sa utos ni Pope Gregory III, inilipat ito sa November 1 upang sabayan ang Samhain—isang pista ng mga pagano kung saan pinaniniwalaang nagbabalik sa mundo ang kaluluwa ng mga namayapa na.

Nang maupo si Pope Gregory IV, ang Todos Los Santos ay pinalawig sa buong Simbahang Katolika. Sa araw na ito, ang lahat ng mga Kristiyanong Katoliko ay iniimbitahang alalahanin at ipanalangin ang mga kamag-anak nilang sumakabilang-buhay.

Dahil sa impluwensyang Katoliko ng mga Kastila, ginugunita ng mga Pilipino ang Todos Los Santos o All Saints’ Day na tila ang ating mga namatay na ninuno ay itinuturing na rin natin na mga santo na nasa langit kasama ng Panginoon. Ayon sa doktrina ng Santa Iglesia Catolica Romana, ang namatay na mahal sa buhay ay ipinapanalangin upang mahango sa purgatoryo, mapunta sa langit o magabayan ang kanilang mga kaluluwa sa kabilang buhay.

Subalit, pansin n’yo ba na kapag undas ay nagdadasal tayo mismo sa kamag-anak natin at kinakausap natin sila? Nagmula pa ang kagawiang ito sa sinaunang kultura nating mga Pinoy na higit na matanda kaysa sa Katolisismo. Naniniwala tayo na tayo ay may mga kaluluwa subalit kapag yumao ay naglalakbay tayo sa mga ilog at dagat dahil sa tayo ay “maritime culture”. Ang mga kaluluwa ng mga yumao ay itinuturing na anito na nagbabalik sa kalikasan. Ito ang ugat kung bakit gumagawa ng mga estatwa ang ating mga ninuno upang alayan ng dasal. Paniwala pa ng mga ninuno natin, nakikipag-usap ang mga anito sa mga nabubuhay sa pamamagitan ng mga babaylan at catalonan.

Pero alam niyo ba na ang November 1 o All Saints’ Day ay para magbigay-galang sa mga namayapang santo?

Habang ang November 2 o All Souls’ Day, ay isang paniniwala ng mga Kristiyano na ipagdasal ang mga namayapang mahal sa buhay na mapa­tawad sa kanilang mga kasalanan para mapadali ang pag-akyat nila sa langit. RNT