Alay Kapwa ngayong Holy Week, gawing araw-araw – Tagle

Alay Kapwa ngayong Holy Week, gawing araw-araw – Tagle

April 15, 2019 @ 3:30 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na hindi lamang tuwing panahon ng Kuwaresma isabuhay ang pag-a-Alay Kapwa, at sa halip ay gawin itong bahagi ng kanilang araw-araw na pamumuhay.

“This is a Lenten campaign pero kung tutuusin kahit na hindi nakapaskil ang programang Alay Kapwa araw-araw ay dapat na Alay Kapwa. Paalaala, sana hindi lang pang-kuwaresma. Ang programa ay intensification ng isang pang-araw araw sanang bahagi ng ating buhay,” ayon sa Cardinal.

Aniya, ang Alay Kapwa tuwing Semana Santa ay isang programa ng simbahan bilang pagpapaigting sa pagbabahagi ng tulong sa kapwa sa pamamagitan ng iba’t-ibang institusyon ng simbahan.

Isang paraan rin aniya ito ng pagbabahagi ng pag-ibig tulad ng ginawa ni Hesus na pag-aalay ng kanyang sarili para sa sanlibutan.

Munting paraan din aniya ito nang pagpapakita ng pagdamay sa mga nangangailangan nang hindi sinusukat sa halaga ng ibinibigay kundi pagpapakita ng pagdamay at pakikiisa sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad.

“At ang Alay Kapwa ay isang paraan ng solidarity, pakikiisa para malaman ng mga taong nagdurusa na hindi sila nag-iisa, hindi sila nakakalimutan. Merong handa na mag-alay na anumang pag-ibig, pagpapakita ng pag-ibig sa kanila. Kaya tulungan natin ang Caritas at ang mga sangay ng simbahan sa pagpapakita ng pag-ibig ni Hesus sa pamamagitan ng Alay Kapwa,” dagdag pa ng Cardinal, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

“Ito po ay ispiritwalidad. Kasi ang ginawa ni Hesus ay ialay ang Kanyang buhay. Sabi nga niya ito ang Aking katawan, ang Aking dugo inialay Niya para sa kapwa. Kasi isinugo Siya ng Ama bilang larawan ng pag-ibig at ang pag-ibig ay pag-aalay ng sarili para sa iba. Ang maganda kay Hesus hindi lamang Niya inialay ang sarili Niya para sa mababait sa Kaniya, mabubuti na. Inialay Niya ang sarili Niya para sa lahat. Kasama ang mga makasalanan at tumutuligsa sa Kaniya. Ganyan kabuo ang Alay Kapwa ni Hesus,” aniya pa.

Nabatid na ang malilikom na pondo ng Alay Kapwa ay inilalaan sa mga posibleng biktima ng natural at manmade disasters tulad ng digmaan, sunog, lindol, at mga bagyo.

Sa Pilipinas, tinatayang may higit sa 20 bagyo ang karaniwang nanalasa sa bansa kada taon.

Si Tagle mismo ang nangunguna sa taunang pagdaraos ng Alay Kapwa ng mga simbahan at ng Caritas Damay Kapanalig Alay Kapwa Telethon.

Nagsisimula ang Alay Kapwa telethon mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi at ang mga nais na magbahagi ng tulong maaring tumawag sa 925-7931 hanggang 40.

Noong nakalipas na taon, may P5 Milyon ang nakalap ng Caritas Manila na inilaan sa Damayan Program.

Kabilang sa mga pinaglaanan ng nakalap na pondo ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Agaton, Josie at Ompong; ang pagsasaayos ng Marawi City dulot ng digmaan; mga lumad sa Mindanao, mga biktima ng pagliligalig ng bulkang mayon at mga biktima ng sunog sa Metro Manila.

Inanyayahan din naman ni Tagle na huwag limitahan ang pagtulong ng mga Pinoy sa bansa kundi maging sa iba pang mga bansa na nakakaranas ng kalamidad at digmaan. Macs Borja