Albayalde: ‘Wag ibahagi sa social media kung magbabakasyon

Albayalde: ‘Wag ibahagi sa social media kung magbabakasyon

April 10, 2019 @ 10:27 AM 3 years ago


Manila, Philippines – Inabisuhan ni Philippine National Police chief Police General Oscar Albayalde sa publiko na manatiling alerto at maingat sa paggunita ng #SemanaSanta2019.

Pinaalalahanan din ni Albayalde ang publiko na siguraduhing nakasara ang kani-kanilang mga bahay kung uuwi a probinsiya o magbabakasyon.

Hindi rin aniya makabubuti ang pagbabahagi sa social media ng mga impormasyon tungkol sa planong pagbabakasyon dahil maaari itong samantalahin ng mga kriminal.

“Kung puwede pag tayo ay umaalis sa ating tahanan, huwag na nating i-post sa social media dahil malalaman ng madlang bayan na tayo ay wala sa ating mga tahanan,” ani Albayalde.

“Kung puwede po ‘yan ay ibilin natin sa puwedeng pagkatiwalaan natin na tao para po may nagbabantay sa ating bahay. Kung wala naman sa ating kapitbahay, siguraduhin lang po na naka-lock lahat ‘yung ating pintuan at bahay,” dagdag pa niya.

Samantala, para masiguro ang peace and order sa bawat ugar, magpapakalat ng mga pulis sa mga pampublikong lugar bilang parte ng kalulunsad pa lamang na “Ligtas SUMVAC 2019.”

Ani Albayalde ang implementasyon ng summer security plan ay matatapos sa pagbubukas ng school year 2019-2020 sa Hunyo.

Naka-full alert status din sa #SemanaSanta2019 ang mga pulis sa Metro Manila kung saan mahigit 11,500 pulis ang ipakakalat, ayon sa National Capital Region Police Office./Remate News Team