Alcohol ban sa mga edad 21 pababa, inihain sa Kamara

Alcohol ban sa mga edad 21 pababa, inihain sa Kamara

July 13, 2022 @ 6:39 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Itinutulak ngayon sa Kamara ang panukalang batas na i-ban sa alcohol ang mga indibidwal na edad 21 pababa.

Sa pamamagitan ito ng House Bill No. 1753 o ang “Anti-Underage Drinking Act” na iniakda nina Davao Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap.

Sa ilalim nito, ang mga “unqualified individuals,” o iyong mga edad 21 pababa na hindi kayang alagaan o protektahan ang kanilang mga sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, kalupitan, exploitation o diskriminasyon ay ipinagbabawal na bumili ng nakalalasing na inumin.

Itinuturing din na iligal ng batas ang pagbili at pag-inom ng alak ng mga nasabing indibidwal gayundina ng paggamit ng mga ito ng pekeng identification card para lang makabili ng alak sa mga establisyimento.

Ang mga establisyimento na mahuhuling nagbebenta ng alak sa mga unqualified individuals ay pagmumultahin ng P50,000 o pagkakakulong ng hindi lalampas sa tatlong buwan.

Kapag nahuli ulit, posible na silang bawian ng lisensya.

Habang ang mga indibidwal na magpapasaway ay isasalang sa counsel ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) sa unang offense, at kung paulit-ulit ay dadalhin na sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“This bill seeks to impose a minimum legal drinking age in the country, in pursuit to mitigate and regulate the availability of alcohol to Unqualified Individuals,” saad ni Duterte at Yap sa kanilang explanatory note.

Sa kasalukuyan, pinapayagang uminom ng alak sa Pilipinas ang mga edad na 18 pataas. RNT/ JCM