Alec Baldwin, nakapatay ng cinematographer gamit ang prop na baril!

Alec Baldwin, nakapatay ng cinematographer gamit ang prop na baril!

October 22, 2021 @ 7:30 PM 1 month ago


New Mexico, USA – ‘Di sinasadyang nakapatay ang aktor na si Alec Baldwin sa syuting ng isang pelikula sa New Mexico, USA.

Isang baril na prop sa pelikula ang nag-misfire umano at nauwi sa pagkamatay ng cinematographer at pagkasugat ng mismong direktor.

Ayon sa ulat ng CNN at ilang websites nu’ng Oktubre 22, ‘di sinasadyang napatay ni Baldwin ang babaeng cinematographer na si Halyna Hutchins, 42, at ikinasugat ng mismong direktor ng pelikula na si Joel Souza, 42.

Blangko (walang pulbura) ang mga baril na gamit sa syuting ng pelikula. Sinasabing may kinalamang ang trajectory ng mga blangkong bala para posible itong makapatay. Iimbestigahan pa nang mas madetalye ang syuting sa Bonanza Creek Ranch na madalas namang pagsyutingan ng mga pelikulang Western.

“Rust” ang titulo ng pelikula na isang Western (tungkol sa mga cowboy). Si Baldwin ang bida sa pelikula at nagsisilbi ring producer nito. Period movie ito na ang setting ay 19th century.

Actually, nai-helicopter pa si Hutchins sa New Mexico University hospital kung saan napugto ang kanyang hininga. Si Souza ay iniambulansya sa isang ospital kung saan siya ginagamot sa pinsalang tinamo n’ya.

Kusang nagsadya umano si Baldwin sa opisina ng Santa Fe Police para iulat ang naganap na aksidente. Ininterbyu siya, sumagot nang maayos sa mga tanong ng pulisya. Malaya siyang umalis sa opisina ng pulisya. Walang isinampang kaso laban sa kanya.

Pansamantalang itinigil ang syuting ng “Rust.” Danny Vibas