Alegasyon na sangkot sa human smuggling, sinalag ng MIAA official

Alegasyon na sangkot sa human smuggling, sinalag ng MIAA official

December 4, 2022 @ 10:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng isang senior executive ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga ulat na kasabwat umano siya ng mga sindikato sa human smuggling sa paliparan.

Ani Edelyn Solano, nagulat umano siya nang bigla itong tanungin ng anak makaraang makasagap ng ulat na nagbabanggit ng kanyang pangalan sa naturang alegasyon.

Sa kumakalat na ulat, sinabi rin na si Solano ay natanggal sa posisyon at naghihintay na lamang ng imbestigasyon makaraang lumitaw sa Senate inquiry na ang mga biktima ng human smuggling ay gumagamit ng pekeng airport access passes para makalusot sa mga Immigration officers.

“Sa tagal ko sa airport, hindi po ako nasangkot sa ano mang katiwalian at sana bago man lang inilagay ang pangalan ko ay nagtanong man lang sana ‘yung reporter sa airport media affairs para ma-verify ang katotohanan,” aniya.

Dagdag pa nito, pinag-iisipan na ng pamilya ni Solano ang pagsasampa ng cyberlibel charges laban sa mga editor ng naturang media organization na naglabas ng istorya, maging ng nagsulat nito.

“Nag-usap na kami ng pamilya ko dahil grabe ang pagkasira ng pangalan ng pamilya sa malisyoso na balita at maghahain kami ng demanda.”

Samantala, pormal nang sinulatan ni MIAA Spokesperson Consuelo Bungag ang editor ng naturang media organization na ang impormasyong kanilang inilabas ay hindi totoo.

Dagdag nito, sinabi ni Bungag na hindi natanggal si Solano bagkus ay napromote pa bilag administrative department head at idiniin na walang kaugnayan sa anumang illegal na operasyon ng mga human smugglers.

Sa sandaling ito ay burado na ang naturang post o balita at hindi pa naglalabas ng anumang pahayag ang sangkot na media organization. RNT/JGC