Alegasyon ng reklamo sa NIA chief walang basehan, imbento lang

Alegasyon ng reklamo sa NIA chief walang basehan, imbento lang

November 16, 2022 @ 1:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nilinaw ni NIA Administrator Benny Antiporda na walang basehan at pawang mga imbento lamang ang mga alegasyon ng reklamo na isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.

Kasunod ito sa inihaing administrative complaints ng ilang empleyado ng NIA laban kay Antiporda dahilan para patawan ito ng Ombudsman ng anim (6) na buwang preventive suspension.

Sa isang press conference kanina sinabi ni Antiporda na handa siyang harapin ang nasabing alegasyon para malinis ang kanyang pangalan at sa ngalan na rin ng laban kontra-korapsyon.

“Dito po sa isinampa nilang alegasyon petty’ po ito at walang basehan,” ayon kay Antiporda.

Ayon pa kay Antiporda, masyado umanong mabilis ang takbo ng desisyon subalit nagpapasalamat pa rin siya sa Ombudsman dahil sa mabilis na aksyon.

Nauna rito, magugunitang kinasuhan ng kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman ang dalawang opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) dahil umano sa kapabayaan at kawalan ng kaalaman dahilan para mawalan ang NIA ng mahigit sa P205 milyong halaga bunga ng pagkatalo sa kaso.

Kabilang sa kasong isinampa laban sa dalawang mataas na opisyal ng NIA ay Gross Inexcusable Negligence na mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, paglabag sa Standards of Professionalism na mas kilala bilang Code of Conduct of Public Officials and Employees, Inefficiency and Incompetence na mas kilala bilang Administrative Code of 1987 at ang Gross Ignorance of the Law, Gross Neglect of Duty and Grave Misconduct in the performance of official duties.

“Lilinawin ko lang po ang laban natin ngayon ay korapsyon,” sabi pa ni Antiporda.

Kaugnay nito, sinabi ni Antiporda na kung ang Pangulo (President Marcos Jr.) ang magsasabi sa kanya na ‘wag na niyang ituloy ang kanyang trabaho sa NIA ay susundin niya ito.

“I’m offering to resign, ayaw kong mapahiya ang First Family, hindi po ako kapit tuko,” dagdag pa ni Antiporda.

Kaugnay nito, naging emosyonal din ang NIA chief sa panwagan sa Ombudsman na sa halip na yurakan siya ay tulungan siya para labanan ang korapsyon. Santi Celario