Alert Level 1 sa buong Pinas pinag-aaralan ng pamahalaan – Galvez

Alert Level 1 sa buong Pinas pinag-aaralan ng pamahalaan – Galvez

March 8, 2022 @ 5:44 PM 4 months ago


MANILA,  Philippines – Susuriin muli ng mga opisyal ang sitwasyon ng COVID-19 sa buong bansa para malaman kung pwede nang ilagay ang buong Pilipinas sa Alert Level 1, kasunod ng rekomendasyon ng economic managers para mapigilan ang krisis na maidudulot ng Ukraine-Russia war.

Sinabi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. nitong Martes na muli nilang sinusuri ang sitwasyon sa 146 na lugar sa buong bansa upang makita kung swak na ba sila sa pamantayan para maibaba sa Alert Level 1, tulad ng mababang COVID-19 case at mataas na antas ng pagbabakuna.

“Titignan namin ito. Based on the data presented by Sec. Duque lahat ay nasa minimal risk na, based on our cases we are qualified for Alert Level 1. Very important din kasi ang metrics ng mga 80% seniors and 70% sa 18 and above. Nakita natin na dapat makuha ang matrix na iyon,” ani Galvez sa isang press briefing.

Matatandaang inilagay ng Pilipinas ang 38 na lugar, at ang National Capital Region sa Alert Level 1 — ang pinakamababang baitang sa isang five-step alert system — hanggang Marso 15.

“Ngayon irere-evaluate namin so we can really rebound immediately kasi talagang importanteng maka-recover tayo economically,” anang vaccine czar.

Nauna nang inirekomenda ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua noong Lunes na dapat ilagay sa alert level 1 ang buong bansa sa lalong madaling panahon upang makatulong na mabawi ang mga epekto sa ekonomiya ng patuloy na kaguluhan sa Europe.

“Bagama’t hindi natin mapipigilan ang panganib na magmumula sa pandaigdigang pananaw, maaari nating palakasin ang ating domestic ekonomiya upang mabigyan ang mga tao ng mas maraming trabaho at pagkakataon,” aniya.

Nananatiling tiwala si Finance Secretary Sonny Dominguez na maabot ng bansa ang target na paglago ng GDP nito na 7% hanggang 9% para sa 2022 sa kabila ng krisis. RNT