Alert level 1 sa Israel kasado pa rin kahit may ceasefire-DFA

Alert level 1 sa Israel kasado pa rin kahit may ceasefire-DFA

August 9, 2022 @ 7:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinanatili ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapatupad ng Alert Level 1 sa Israel.

Ito ay kahit nagdeklara ang Israeli forces at Palestinian forces sa Gaza Strip ng tigil-putukan.

Iniulat din ng DFA na walang Pilipino sa Israel ang nasaktan sa labanan.

Pinaalalahanan pa rin ng DFA ang mga Pilipino sa Israel at Gaza na manatili sa loob ng kanilang mga tirahan at umiwas sa mga pampublikong lugar.

“The DFA welcomes the cessation of hostilities in the Gaza Strip and hopes that the ceasefire holds. We call on parties to exercise restraint and to respect the terms of the ceasefire,” anang kagawaran.

Ayon sa gabay ng DFA para sa mga manlalakbay na Pilipino at manggagawa sa ibang bansa, ang Alert Level 1 ay isang yugto ng pag-iingat, na ibinibigay kapag may mga palatandaan ng panloob na kaguluhan, kawalang-tatag, at/o panlabas na banta sa host country.

Tiniyak din ng Embahada ng Pilipinas sa Israel na ligtas ang mga Pilipino sa bansang Middle East.

Isang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Islamic Jihad ang napagkasunduan noong Lunes, matapos ang hindi bababa sa 44 na sibilyan at militante ang napatay sa labanan, ayon sa mga opisyal ng Palestinian.  RNT