Alert Level 2 sa NCR resulta ng pagsunod ng publiko

Alert Level 2 sa NCR resulta ng pagsunod ng publiko

January 31, 2022 @ 9:25 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Ang pagbaba sa alert level status sa National Capital Region (NCR) mula Alert Level 3 tungo sa Alert Level 2 simula bukas, Pebrero 1 ay senyales na ang publiko ay sumusunod sa health protocols at iba pang guidelines para mapigilan ang COVID-19 surge.

Ang NCR ay inilagay sa ilalim ng alert Level 3 noong Enero 3 matapos na sumirit ang Omicron variant cases.

Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año, magpapatuloy ang ginagawa nilang monitoring dahil inaasahan na nilang daragsa ang mga tao sa mga malls at iba pang public places habang tataas naman ang workforce.

“Ang pinaka-importante kasi dyan ‘yung cooperation ng lahat. Nakita naman natin nung nag-Alert Level 3, hindi na tayo nag-Level 4. Sila na ‘yung nag-stop papunta ng mall, sila na mismo ‘yung tumigil sa mga ibang activities. That’s a good sign that we have learned so much from this pandemic,” ayon sa Kalihim.

Kailangan din aniyang mapagtanto ng mga Filipino ang kahalagahan na magpabakuna , kilalanin ang sintomas ng Covid-19, at mag-isolate kung kinakailangan.

“Kahit na marami ‘yung numbers na na-infect, hindi overwhelmed ‘yung ating health care facilities. ‘Yung nagkakasakit sa bahay lang gagaling so ibig sabihin pwede tayong magbukas ng mga economic activity. Ang kailangan lang dito ‘yung individual responsibility na watch out for yourself. Kapag ikaw ay naging close contact, dapat self-isolate na. Look out for symptoms,” aniya pa rin.

Samantala, inilagay din naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal sa Luzon; Biliran at Southern Leyte sa Visayas; at Basilan sa Mindanao sailalim ng Alert Level 2 hanggang Pebrero 15, ayon kay , acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Maliban sa mga general guidelines, ang local government units ay maaaring magpatupad ng iba pang paghihigpit na “subject to evaluation.” Kris Jose