Alert level system matrix binago ng IATF; 5 moderate risk areas sa NCR ibabalik sa low risk – DOH

Alert level system matrix binago ng IATF; 5 moderate risk areas sa NCR ibabalik sa low risk – DOH

June 29, 2022 @ 2:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Posibleng muling bumaba sa low risk category ang limang lugar sa National Capital Region (NCR) na unang idineklara na nasa ilalim ng moderate risk sa COVID-19, kasunod ng pagbabago sa mga sukatan sa pagtukoy sa klasipikasyon ng kaso ng panganib ng isang lugar.

Sa Laging Handa briefing nitong Miyerkules, muling iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na binago ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga matrix na gagamitin para sa Alert Level System at inalis ang dalawang linggong growth rate sa pagtukoy ng case-risk classification.

Dahil dito, sinabi niya na ang Pasig, San Juan, Quezon City, Marikina, at Pateros ay bababang muli sa low risk category sa kabila ng kanilang pagtatala ng higit sa 200% na growth rate noong Sabado.

“Mapupunta po sila ulit sa low risk dahil ‘yung average daily attack rate nila ay hindi pa lumalagpas ng 6 at saka ‘yung kanilang healthcare utilization naman is less than 50%,” ani Vergeire.

“Mas importante ho sa’ting lahat ang mga nao-ospital, ang pagkapuno ng mga ospital, at saka ang severe at critical cases,” dagdag pa niya.

Sinabi ng DOH na ang isang lugar ay uuriin bilang moderate risk batay sa hospiral utilization nito na higit sa 50%, at average na daily attack rate na hindi bababa sa anim na average na kaso kada araw kada 100,000 populasyon.

Sa kabilang banda, mababawasan ang panganib ng isang lugar kung mayroon itong paggamit sa ospital na mas mababa sa 50% at ADAR na mas mababa sa 1 bawat 100,000 populasyon.

Ang NCR ay nasa Alert Level 1 mula Hulyo 1 hanggang 15 sa gitna ng tumataas na impeksyon sa COVID-19 sa rehiyon. RNT