Alfred Vargas, pinagmalaki ang istorya ng “Tagpuan”!

Alfred Vargas, pinagmalaki ang istorya ng “Tagpuan”!

December 23, 2020 @ 8:03 AM 3 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines- Aminado ang actor politician na si Cong. Alfred Vargas na malaking sugal ang kanyang ginawa nang isinali niya ang kanyang pelikulang “Tagpuan” sa MMFF 2020.

“Sumugal kami kahit first time ‘yung ganitong platform,” sabi pa niya.

Bilang producer at artista ay sinabi rin ni Alfred na medyo mahirap pero happy naman siya sa kinalabasan ng kanilang movie.

FYI ay nagkaroon na rin ng dalawang entries noon si Alfred sa MMFF at ngayon ay siya ang bida sa pelikulang “Tagpuan” mula sa beteranong manunulat na si Ricky Lee at direktor na si Mac Alejandre.

“Parang comeback ko ito sa Metro Manila Film Festival. I had two other film fest entries before, ‘yung ‘Bridal Shower’ (2004) at nanalo tayo ng Breakthrough Performance at ‘Banal’ (2008) directed by the late Cesar Apolinario, nanalo rin siyang Best Director doon,” tugon ng actor-politician.

Isa raw sa mga nagustuhan niya sa “Tagpuan” ay ang kakaiba nitong istorya ng pag-ibig.

Ani Alfred, “Hindi siya ‘yung normal na love story kasi, na kikiligin ka, boy meets girl ‘tapos may kaunting tampuhan ‘tapos they end up together.

“Ito kasi parang adult story ‘to, e, in a sense na I’m 41 years old ‘tapos magsisimula ‘yung film na hiwalay na kami ng character ni Iza [Calzado], ex wife ko siya.

“Tapos mapapadpad ako sa Hong Kong, doon ko naman mami-meet si Shaina [Magdayao]. Tapos mapapadpad naman ako sa New York at magkakaroon ng tagpuan doon.”

Isang katuparan din daw ito sa pangarap niya bilang aktor, na makapag-shoot sa New York.

Kuwento ni Alfred, “Mahirap siya, logistically speaking, pero ako, masaya kasi dream come true sa akin ang makapag-shoot sa New York and nagkatotoo naman.

“Hindi kami nag-shoot in the usual tourist spots, so hindi tayo makakakita rito ng Empire State Building or Statue of Liberty.

“Nag-shoot kami sa streets of Manhattan, sa Brooklyn, at saka sa New York Chinatown. It’s very, very interesting, ang sarap mag-shoot din.

“Ang sarap din mag-shoot sa Hong Kong.

“Ang challenge lang kasi when we shot in Hong Kong, ‘yun ‘yung mga nasa kalagitnaan ng protest [pero] kasi organized naman doon sa Hong Kong and natapos namin ang shoot without any problems.”

Noong 2019 pa raw nila na-shoot ang pelikula na una nilang sinali sa Metro Manila Film Festival sa parehong taon ngunit hindi pinalad makasali.

Ipalalabas sana ito sa planong 2020 Summer Metro Manila Film Festival ngunit hindi natuloy dahil sa pandemya.

Sa kabutihang palad, nakapasok muli ang pelikula para sa Metro Manila Film Festival ngayong Kapaskuhan.

For the first time ay mapapanood ang mga kalahok na pelikula online sa pamamagitan ng upstream.ph.

Bilang producer ng pelikula, hindi raw nagdalawang-isip si Alfred na lumahok sa naturang film festival kahit bago na ang paraan para mapanood ang mga pelikula.

“As a producer, sabi ko, ‘Tara, let’s take the risk. Taya tayo kasi para sa pelikulang Pilipino rin naman ito.’ Para once and for all mapalabas na rin,” sabi ng 41-year-old actor-producer.

Aminado ang aktor na malaki ang naitulong ng pagiging producer sa trabaho niya bilang aktor.

Sabi ni Alfred, “Siguro in being a producer, mas malaki ang naitulong nito sa akin as an actor in terms of perspective, frame of mind, mas naiintindihan ko na ‘yung proseso.

“Kung gaano kahirap talaga ‘yung mga bagay na we used to take for granted as actors, ngayon hindi na.

“Wish ko nga sana we have enough, kahit nga hindi mag-break even, basta the movie will earn enough para lang may ma-produce pa tayo next year.”

Ang “Tagpuan” ang pangatlong pelikulang iprinodyus ng film company ni Alfred na Alternative Vision Cinema.

Ang dalawang naunang mga pelikula ay ang “Supremo” (2012) at “Kaputol” (2019).

Sa bagong platform, ayon sa aktor, maaaring hindi na maabot ang bilyun-bilyong kita sa box office ng MMFF pero, “Sa tingin ko, may malaking potential kasi everybody can watch it na wherever you are in the world, ‘di ba?

“Like, kung OFW ka, hindi mo napapanood ang Metro Manila Film Festival before, ngayon, puwedeng-puwede mo na mapanood at malaki ang market doon.”

Diin pa niya sa huli, “Alam mo, kapag naging successful ang ganitong platform sa film festival, makakabuti ito sa ating industriya.

“Kasi, kapag nagkaroon ng ganitong opportunity or platform, mas lalong dadami ang magpo-produce, lalong dadami ang trabaho ng creatives, ng actors, ng directors, ng talents, pati sa press magti-trickle down.

“Kaya sana talaga, maraming maka-access nitong Metro Manila Film Festival.” JP Ignacio


  •  
  •  
  •  

Loading...