Alituntunin para sa Undas inilabas ng Parañaque LGU

Alituntunin para sa Undas inilabas ng Parañaque LGU

October 23, 2022 @ 12:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Naglabas ng mga alituntunin (guidelines) ang lokal na pamahalaan ng Parañaque na nararapat na sundin sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod gayundin ang pagbubuo ng isang security task force para sa seguridad ng mga taong dadalaw sa kanilang mga mahal na buhay na namayapa sa darating na Undas.

Sinabi ni City Administrator Voltaire dela Cruz na siya ang inatasan ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na gumawa ng guidelines para sa “Task Force Undas 2022” na kanilang binuo upang mabigyan ng seguridad ang publiko na bibisita sa mga sementeryo sa darating na All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Ayon kay dela Cruz, ang binuong task force ay isinailalim sa superbisyon ni Parañaque City police chief P/Col. Renato Ocampo.

Bukod sa usapin ng seguridad ay itatalaga din ng lokal na pamahalaan ang mga miyembro ng City Health Office (CHO) para magbantay sa mga indibidwal na mangangailangan ng tulong medikal habang ang mga tauhan naman ng Traffic Management Office (TMO) ang titingin sa sitwasyon ng trapiko na malapit sa mga sementeryo sa lungsod.

Kabilang din sa binuong task force ang City Environment and Natural Resources (CENRO), the Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), at ang Bureau of Fire and Protection (BFP).

Base sa memorandum na inilabas ni Olivarez, sa Oktubre 29 at Oktubre 30, pinaaalalahanan ang publiko na ang pagdalaw sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na namayapa ay mula alas-6 ng umaga hangang alas-5 ng hapon lamang.

Bukas naman ng 24 oras ang mga pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod simula Oktubre 31 at ng Nobyembre 1.

Dagdag pa ni Olivarez na ipapatupad din ng lokal na pamahalaan ang implementasyon ng isang pasukan at isang labasan lamang sa darating na Undas. James I. Catapusan