Alituntunin sa P1K ayuda, hinihintay ng DSWD

Alituntunin sa P1K ayuda, hinihintay ng DSWD

March 10, 2023 @ 9:06 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinihintay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga alituntunin sa pamamahagi ng P1,000 cash assistance para tulungan ang 9.3 milyong mahihirap na Pilipino, na maibsan ang epekto ng mataas na inflation, ayon sa opisyal nitong Miyerkules.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na magsisimula ang distribusyon kapag natanggap na ng ahensya ang mga alituntunin dahil natukoy na nila ang mga benepisyaryo.

Sa ilalim ng extended Targeted Cash Transfer (TCT) program, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng cash subsidy na nagkakahalaga ng P1,000 na hahatiin sa tig-P500 sa loob ng dalawang buwan.

Sinabi ni Lopez na kabilang sa mga benepisyaryo ang “poorest of the poor” kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) members, mga manggagawa na kumikita ng mas mababa sa minimum wage, at indigent senior citizens.

Inanunsyo ni Finance Secretary Benjamin Diokno nitong Miyerkules na magbibigay ang pamahalaan ng panibagong round ng cash aid sa ilalim ng extended TCT program para tulungang maibsan ang financial struggle ng low-income families sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng global oil price surge dahil sa Russia-Ukraine war.

Bukod sa cash aid, sinabi ng Finance chief na magbibigay din ang pamahalaan ng subsidiya gaya ng fertilizer discount vouchers, fuel discounts para sa mga magsasaka at mangingisda maging fuel subsidies sa transport sector na apektado ng mataas na presyo ng langis. RNT/SA