Alituntunin sa Undas 2022 sa Pasay isinapubliko

Alituntunin sa Undas 2022 sa Pasay isinapubliko

October 18, 2022 @ 12:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naglabas na ng alituntunin ang lokal na pamahalaan ng Pasay na nararapat na sundin ng bawat indibidwal na nais dumalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay na namayapa sa darating na Undas.

Base sa ipinaskil na paalala ng lokal na pamahalaan sa opisyal na Facebook page ng Pasay City Public Information Office (PIO), papayagan lamang ang pagpasok sa dalawang pampublikong sementeryo sa lungsod na Cementina Public Cemetery at Sgt. Mariano Public Cemetery para dumalaw at maglinis ng puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay ng mula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon lamang.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, hindi pinapayagang pumasok sa dalawang pampublikong sementeryo ang mga taong mayroong lagnat, ubo, sipon at mga hindi bakunado.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ipinagbabawal din ang pagdadala ng anumang inuming nakalalasing, matutulis na bagay, malalakas na speakers at gamit pangsugal pati na rin ang pagkakalat sa loob ng sementeryo.

Ayon pa kay Calixto-Rubiano, hindi na rin papayagan na makapasok ang kahit anumang sasakyan sa loob ng sementeryo mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.

Pinaalalahanan din ni Calixto-Rubiano ang publiko na ang paglilinis, pagpipintura at pagsasaayos ng libingan ng kanilang mga mahal sa buhay na namayapa ay papayagan lamang ng hanggang Oktubre 28 habang ang huling araw ng libing at cremation ay hanggang Oktubre 30 na lamang.

Kasabay nito ay sinabi ni Calixto-Rubiano na ugaliing sumunod sa ipinatutupad na IATF protocols at laging gawin ang EMI habit na Ensure to always wash your hands, Mask is a must at ang Implement physical distancing. James I. Catapusan