Alkalde may hinala sa utak ng pagpatay sa mister na gobernador

Alkalde may hinala sa utak ng pagpatay sa mister na gobernador

March 6, 2023 @ 1:00 PM 2 weeks ago


NEGROS ORIENTAL- Malakas ang kutob ni Pamplona, Negros Oriental Mayor Janice Degamo sa utak na pumaslang sa kanyang mister na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo kabilang ang walong katao sa loob ng kanilang bahay noong Sabado.

Sa pahayag ni Mayor Degamo ngayong Lunes, mariin nitong sinabi na may ideya siya sa kung sino ang mastermind sa pagpaslang sa kanyang mister (Gov. Degamo), na diumano’y isang kilalang tao sa bansa.

Aniya, noong Sabado ay nasa loob siya ng kanilang bahay habang ang gobernador ay nasa gitna ng pagpupulong kasama ang constituents.

Dito, bigla na lamang niyang narinig na may mga taong armado na gustong pumasok at kakausapin ang gobernador.

Hanggang sa itinulak ang gate at doon na nagpaulan ng bala ng baril hanggang sa tinamaan ang gobernador at walong katao na nagresulta ng kanilang kamatayan.

Sinabi pa ng alkalde, bago ang pa man ang pag-atake sa kanyang mister ay nakakatanggap na sila ng banta sa buhay ng gobernador.

Samantala, una nang ipinahayag ni PLt. Col. Gerard Pelare, tagapagsalita ng Special Investigation Task Group Degamo, ang pagkakaaresto sa tatlong suspek sa pagpatay kay Degamo at pagkamatay ng ika-apat na suspek. Tatlo sa mga suspek ay dating sundalo.

Matatandaan na noong nakalipas na May 2022 national at local elections ay nagkaroon ng kalituhan ang mamamayan ng Negros dahil sa naging dalawa ang kanilang gobernador.

Hanggang sa iproklama noong Oktubre 2022 ng Commission on Elections ( Comelec) bilang bagong gobernador si Degamo sa katunggali nitong si Pryde Henry Teves.

Lumabas sa huling recount ng mga boto ay nakakuha si Degamo ng 331,726 kumpara sa 301,319 ni Teves. Mary Anne Sapico