Alkalde ng Legazpi diniskwalipika ng Comelec

Alkalde ng Legazpi diniskwalipika ng Comelec

October 5, 2022 @ 7:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Diniskwalipika ng Commission on Elections’ (Comelec) Second Division si Legazpi City Mayor Carmen Geraldine Rosal mula sa pagkapanalo sa pagka-alkalde noong Mayo dahil sa pinayagang cash assistance program sa gitna ng election spending ban.

Sa 21 pahinang resolusyon na inilabas noong Martes, sinabi ng Comelec na pinagbigyan ang petition for disqualification na inihain laban kay Rosal.

Sinabi ng petitioner na si Joseph San Juan Armogila, kandidato ng pagkakonsehal sa lungsod noong 2022 elections, ay nagsabing si Rosal ay naglabas ng cash aid sa mga tricycle driver at senior citizen noong panahon ng kampanya upang makuha ang kanilang suporta para sa halalan, na nakikita ito bilang vote buying at isang paglabag sa election spending ban.

Sa depensa ni Rosal, ang cash assistance ay bahagi ng mga lehitimong programa ng local government unit. Aniya, ang mga pay-out, na nangyari noong Marso 31 at Abril 2 ng taong ito, ay pagpapatuloy ng mga nakaraang batch na inilunsad bago pa man ang campaign period.

Ngunit nilinaw ng komisyon na hindi nila nakita na nagkasala sa kasong ‘vote buying’ sina Rosal dahil sa wala silang makita na kaugnayan ng post sa aktuwal na pagbibigay ng pera sa mga tao ng inaakusahan.

Gayunpaman, batay sa ipinakitang ebidensiya, kumilos ang poll body upang matukoy kung ang pondong ginamit para sa naturang social welfare services ay pinayagan ng Comelec.

“It was established that respondent appears to have benefited from the local government unit’s project where public funds were definitely released, disbursed, and spent to sponsor the cash pay-out or assistance to the tricycle drivers and senior citizens,” saad ng Comelec.

“Respondent performed an overt act to make it appear that she is one with local government unit; worse, with her husband, who was then the incumbent mayor at the time of the ‘cash pay-out’ event,” dagdag pa.

Noong nakaraang buwan, diniskwalipika rin ng Comelec First Division ang kanyang asawang si Albay Governor Noel Rosal dahil sa pagbabawal sa paggastos na kinasasangkutan ng parehong cash assistance program. Jocelyn Tabangcura-Domenden