Alkalde sa Jomalig, pinabababa sa pwesto

Alkalde sa Jomalig, pinabababa sa pwesto

November 5, 2022 @ 4:00 PM 3 weeks ago


JOMALIG, Quezon- Inatasan ng korte ang kasalukuyang nakaupo bilang mayor ng Jomalig na bakantehin nito ang pwesto matapos matalo sa protesta ng kanyang katunggali noong nakalipas na May 9, 2022 elections.

Batay sa ipinalabas na kautusan na may petsang Oktubre 28, 2022 ni presiding Judge Raymund Joseph Soroñgon, Regional Trial Court Branch 65 ng Infanta, Quezon, inatasan niya si Jomalig, Quezon Mayor Nelmar Sarmiento na bitiwan ang kanyang pwesto at mapayapang i-turn over sa tunay na nanalo na si Rodel Espiritu.

Ipinag-utos din nito kay Sarmiento na agad na lisanin ang opisina at bayaran kay Espiritu ang mga gastos sa election protest proceedings.

Napatunayan sa korte na nanalo si Espiritu ng 18 boto para sa kabuuang 2,167 boto laban sa 2,149 na boto ni Sarmiento.

Samantala, iginiit naman ni Sarmiento na hindi siya aalis sa pwesto at kakausapin niya muna ang kanyang abogado dahil hindi pa pinal at executory ang desisyon.

Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Espiritu sa naging desisyon korte at pabor sa kanyang election protest.

Hinihiling ni Espiritu kay Sarmiento na igalang ang desisyon ng korte. Kung hindi, mapipilitan daw siyang humingi ng tulong sa pulisya para maipatupad ang desisyon.

Samantala, ang mga tagasuporta ni Sarmiento ay pumunta sa Jomalig municipal hall para sa isang prayer vigil. Mary Anne Sapico