Allacapan, Cagayan isinailalim sa state of calamity sa baha

Allacapan, Cagayan isinailalim sa state of calamity sa baha

October 14, 2022 @ 9:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Napagkasunduan na ng konseho ng Allacapan, Cagayan nitong Huwebes, Oktubre 13 na ilagay na sa state of calamity ang naturang bayan dahil sa pinsalang dulot ng Tropical Depression Maymay na ngayon ay humina na at naging low pressure area.

Sa ulat, 22 barangay ang apektado ng matinding pagbaha sa Allacapan kung saan apektado nito ang nasa 1,025 pamilya o 3,849 indibidwal.

Nasa 44 pamilya naman o 147 indibidwal ang dinala sa evacuation centers.

Kabilang sa mga apektadong barangay ay ang Binubongan, Bulo, Burot, Cataratan, Capanickian Norte, Capanickian Sur, Centro East, Centro West, Daan Ili, Dagupan, Iringan, Labben, Maluyo, Mapurao, Matucay, Nagattatan, Tamboli, Silagan, Capagaran, Capalutan, at Pacac.

Sa panayam naman sa radyo, sinabi ng alkalde ng Allacapan na si Mayor Harry Florida na mabibigyan ng pagkakataon na matulungan ng lokal na pamahalaan ang mga apektadong magsasaka at residente sa pagdedeklara ng state of calamity sa nasabing bayan. RNT/JGC