Allen, pangarap makatrabaho sina Nora at Vilma!

Allen, pangarap makatrabaho sina Nora at Vilma!

July 12, 2021 @ 7:13 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Hall of Famer na sa Gawad Pasado ang award-winning at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon.

Sa kasaysayan ng nasabing award-giving body, siya pa lamang at ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang naluklok sa pinakamataas na karangalang ibinibigay ng mga kritiko at mga miyembro ng akademya.

Para kay Allen, kahit waring nakamit na niya ang rurok pagdating sa galing sa pag-arte, hindi pa rin daw siya titigil sa pagpanday ng kanyang sining.

Pagbibiro pa niya, feeling daw niya ay parang sobrang beterano na niya dahil sa award  na iginawad sa kanya.

Hirit pa niya , marami pa raw siyang roles na gustong i-explore at gampanan.

Gusto pa raw niyang makatrabaho sina Nora Aunor at Vilma Santos, maging ang Megastar na si Sharon Cuneta at Drama King na si Christopher de Leon.

Pakiramdam kasi niya, hindi kumpleto ang kanyang karera kung hindi niya mararanasang makatrabaho ang mga ito.

Gusto rin niyang subukan ang pagdidirek subalit kailangan daw muna niyang pag-aralan ang lahat ng aspeto nito bago siya sumabak.

May posibilidad daw na mangyari ito limang taon mula ngayon.

Nagpapasalamat naman si Allen dahil pagkatapos ng humigit-kumulang na isang taon na walang trabaho dahil sa pandemya ay sunod-sunod ang dating ng kanyang mga proyekto.

Bukod sa Abe-Nida, may gagawin din siyang pelikula under Joel Lamangan.

May naka-line up din siyang action movie na ididirek ni Law Fajardo.

Katatapos lang niya ng First Yaya na balitang magkakaroon ng second season.

Kasama rin siya sa cast ng Agimat Ng agila kung saan kabituin niya si Bong Revilla na napapanood sa GMA-7.

Si Allen ang product endorser ng Oracur solution spray, isang topical oral analgesic na mabisang panlaban sa virus kasama na ang COVID-19.

Ang nasabing produkto ay idini-distribute ng Royal Imperial House Trading and Consultancy ni Ms.Baby Go at Dr. Jose Odilon Aranton ng GMA 8 International Development Corporation. Archie Liao