Allowance ng mga guro sa QC, ibibigay na

Allowance ng mga guro sa QC, ibibigay na

July 8, 2018 @ 2:54 PM 5 years ago


 

Quezon City – Ibibigay na ang allowance ng mga guro sa Quezon City bago pa umabot sa rally, ito ang pahayag ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte.

Aniya, matagal nang inaksyunan ng sangguniang panlungsod ang hinaing ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ukol sa allowances.

Ani Belmonte, sa limang concerns na ipinahayag ng mga guro kasama na ang pagtutol sa drug testing, unang naipasa ng Sangguniang Lungsod ang pagbibigay sa kanila ng allowance bago pa sila nagsagawa ng rally.

Ayon sa bise-alkalde, inaprubahan na ng konseho ang pagtaas ng supplemental monthly allowance mula P1,000 hanggang P1,500.

Aprobado na rin umano ang longevity pay mula P200 hanggang P300 bawat taon ng serbisyo na makukuha kapag nagretiro, ngunit magsisimula lamang kung anim na taon na sa serbisyo.

Bukod dito, tatanggap rin ng karagdagang P500 sa quarterly rice allowance ang mga teaching at non-teaching staff sa paaralan kaya mula sa dating P1,500 ay magiging P2,000 na ito.

Noong Hulyo 6, nagsagawa ng protesta sa harap ng Quezon City Hall ang mga guro sa mga pampublikong paaralan upang tawagin ang pansin ng pamahalaang lungsod sa mga isyu ng pagtaas ng mga allowances, nahuhuling pagbigay ng nasabing allowance, pagtaas ng sahod, at ang mandatory drug testing para sa mga teachers at non-teaching staff.

Umapela rin ang mga guro sa lokal na pamahalaan na ibalik sa Landbank mula sa Globe BanKo ang pinagkukunan ng kanilang allowance.

Ayon sa kanila, mula nang nilipat sa mobile money system ng Globe BanKo ang kanilang mga benepisyo ay umabot nang  isang taon ang delay bago nila ito makuha.

Sinabi naman ni Belmonte na hindi sakop ng city council ang pagbabalik sa sistema ng Landbank ngunit maaari itong idulog sa Office of the Mayor.

Ang dagdag sahod naman ay ang national government lamang ang makapagpapasiya. — NENET BL.VILLAFANIA