ALS PROGRAM AT LIBRENG KOLEHIYO NI DIGONG

ALS PROGRAM AT LIBRENG KOLEHIYO NI DIGONG

June 29, 2022 @ 8:20 PM 2 months ago


Hindi mabilang sa daliri ang napakalalaking nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikabubuti ng mga karaniwan at mahihirap na mamamayan.

Kasama rito ang pinalawak at pinatatag na libreng edukasyon sa high school at sa kolehiyo sa lahat ng pampublikong kolehiyo at unibersidad.

Dahil sa mga ito, karugtong ng umiiral nang libreng elementarya at high school, lumaki na nang husto ang mga nakatutuntong sa kolehiyo.

At kasama na rito ang de kalidad at makabagong  edukasyon na nag-aangat ng bansa maging sa hanay ng mga kolehiyo at unibersidad sa mundo.

ANG ALTERNATIVE LEARNING SYSTEM

Pinairal o pinatatag ni Pang. Digong ang Alternative Learning System sa bisa ng Republic Act 11510 para sa elementarya at high school.

Dito, permanente nang programang pang-edukasyon sa mga walang kakayahang makapag-aral sa normal na paraan gaya ng mga mahihirap, huminto sa pag-aral na misis, mga nakatali sa negosyo at pamilya, matatanda, katutubo, nasa malala­yong lugar at iba pa.

Mula rito, pupwedeng tumaas ang edukasyon ng mga benepisyaryo sa senior high school o teknikal at bokasyunal na kurso sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority at iba pa hanggang sa tumuntong at makapagtapos sila sa kolehiyo, Master at Doctorate.

Kahit saan, makakikita tayo ng mga nag-aaral o nagtatapos na katutubo, kasambahay, mula sa mga liblib na lugar, mahirap at maging mayayaman at matatanda o senior citizen at nakatutuwang kasama natin o panoorin sila sa pagkakaroon ng mga diplona na tanda ng kanilang pagtatapos.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, mahigit nang 4.2 milyon ang nakinabang o nakikinabang pa sa nakalipas na anim na taon.

Imadyinin na lang natin, mga Bro, ang pag-angat sa edukasyon at kalagayang panlipunan ng milyones na mamamayan dahil sa ALS na pinagtibay ng isang batas nitong 2020.

GRADUATE SA KOLEHIYO DUMAMI

Sinasabi ngayon ni CHED Commissioner Prospero de Vera na sa mga huling taon ng administrasyong Duterte, lumago nang husto ang pagdami ng mga nakatatapos sa kolehiyo, lalo’t naging libre ito sa bisa ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Ginawa niyang batayan ang rekord mismo ng DepEd na noon, bawat 100 na pumapasok sa elementarya, 50 porsyento o kalahati ang nakatatapos ng high school at 25 porsyento na lang ang nakatatapos ng kolehiyo.

Pero sa ilalim ng administrasyong Duterte, sa kabila ng pag-iral ng patakarang K+12 na nagdagdag ng pag-aaral sa elementarya at high school, umaabot na sa 33 porsyento ng mga nagsimula sa elementarya ang nakatatapos ng kolehiyo.

Dumami rin ang mga kolehiyo at unibersidad na na kinikilala ng Times Higher Education mula sa 4-5 lang noon sa nasa 15 na ngayon at naging 2 milyon ang nakikinabang sa libreng kolehiyo

Kung ipagpapatuloy ng mga susunod na administrasyon ang sinimulang programang pang-edukasyon ni Pang. Duterte, balang araw, kakaunti na lamang ang masasabing mababa ang pinag-aralan na dahilan ng maraming kawalan, kasama na ang pagkakataon sa maayos na trabaho, negosyo at pag-aabroad.

Saludo tayo kay Pangulong Mayor Digong at sa lahat ng tumulong para sa malawak, maayos at dekalidad edukasyon para sa lahat.