Manila, Philippines – Asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa Lunes dahil sa kaliwa’t kanang kilos-protesta para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte (July 23, 2018).
Sa abiso ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, planong isara ng mga pulis ang Commonwealth Avenue sa lane papuntang Fairview mula tapat ng Ever Gotesco Mall at gawing two-way ang kabilang lane nito.
Ito’y matapos na siguruhin ng mga raliyista na ookupahin nila ang Commonwealth Avenue para magdaos ng programa at hindi na lalapit pa sa Batasang Pambansa.
At dahil dito, inilatag na sa mga motorist ang mga alternatibong ruta para hindi na maipit pa sa trapiko sa araw ng SONA:
– Para sa mga manggagaling sa Quezon Memorial Circle at papunta sa Fairview, maaaring dumaan na lang sa North Avenue at kumanan sa Mindanao Avenue. O pumasok sa Visayas Avenue tagos sa Congressional Road at saka lumabas sa Mindanao Avenue.
Mula rito, maaaring kumanan sa Old Sauyo Road at kaliwa sa Regalado Avenue o kaya sa Chestnut Street palabas ng Fairlane na tatagos rin sa Commonwealth Avenue.
– Sa mga manggagaling naman ng Fairview papuntang Quezon Memorial Circle, maaaring kumanan sa Fairlane o Regalado Avenue palabas ng Old Sauyo Road. Kumaliwa naman sa Mindanao Avenue at pumili na lang kung lalabas sa North Avenue o Visayas Avenue. (Remate News Team)