Alvarez at Arroyo, bati na? Agawan sa Minority leadership, nagsimula na

Alvarez at Arroyo, bati na? Agawan sa Minority leadership, nagsimula na

July 25, 2018 @ 1:08 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng bagong upong Speaker na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Speaker Pantaleon Alvarez.

Kinumpirma nina House Minority Leader Danilo Suarez at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales na nakapag-usap na sina Speaker GMA at Alvarez.

Ayon kay Suarez isa sa napag-usapan ay gawing minority leader si dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Si Gonzales umano ang nagsilbing tulay sa naging maayos na pag-uusap nina CGMA at Alvarez na tumagal ng 20 minuto.

Ayon kay Gonzales, sa halip na Speaker Arroyo ay ‘maam’ pa umano kung tawagin ni Alvarez si GMA.

Inalok din umano ni GMA si Alvarez na magpalit sila ng office ngunit nakiusap ang huli na sa Lunes na sila magpalit.

Banggit ni Suarez na isinulong na si Fariñas na ang italagang Minority Leader para sa ikapagkakaroon umano ng smooth transition ng liderato ng Kamara at ang panig umano ni Alvarez ay mayroon ng 25 kongresista.

Sinabi ni Suarez na kung hindi tatanggapin ng bagong liderato ng Kamara ang suhestyon ni Alvarez ay ipipilit umano ng minorya maupo si BUHAY Partylist Rep. Lito Atienza bilang Minority Leader.

Si Atienza ay pangalawa sa lumagda sa Manifesto na mag-uupo kay GMA bilang speaker noong Lunes.

Sa ngayon ay nagpahayag na rin ng kagustuhan maging Minority Leader sina Marikina Rep. Miro Quimbo at Albay Rep. Edcel Lagman ng Magnificent 7 na kapwa taga Liberal Party.

Panawagan naman Caloocan Rep. Edgar Erice na iabsura ang mungkahi ng grupo ni Alvarez dahil pareho silang mga nasa LPDP-Laban.

Imposible aniyang magkaroon ng speaker na miyembro ng PDP-Laban at Minority Leader na kapareho rin ng partido.

Sa panig naman ni Albay Rep. Edcel Lagman ay sinabi niyang nag-abstain siya sa botohan sa pagiging Speaker ni GMA kung kaya dapat aniyang manggaling sa minority group ang Minority Leader.

Hindi aniya matatawag na minorya ang kampo ni dating Speaker Alvarez dahil sumusuporta ang mga ito sa agenda ng Pangulo bukod pa ito ay kabilang sa partido PDP-Laban.

Maging ang Makabayan Bloc ay nagsabing nililigawan na sila ng ilang partido na nagnanais makuha ang minority leadership. (Meliza Maluntag)