Alyssa, Mika magpapaluan sa opening ng PVL

Alyssa, Mika magpapaluan sa opening ng PVL

July 11, 2021 @ 7:54 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Sisimulan ng Creamline ang kanilang pagdepensa sa hawak ng titulo kontra sa Sta Lucia sa pagbubukas ng Premier Volleybal League Open Conference sa July 17 sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Muling iinit ang alitan sa loob ng court nina Cool Smashers skipper Alyssa Valdez Mika Reyes at ng Lady Realtors sa huling laro sa opening ng PVL bilang professional league.

Ayon sa ulat, tuloy ang bubble conference opener sa July 17 pero sa ibang venue sa Bacarra matapos isailalim ang Laoag City sa Modified Enhanced Community Quarantine dahil sa pagtaas sa kaso ng Covid-19 sa lugar.

Magiging highlight ng opening game ang Creamline vs Sta. Lucia sa ekplosibong triple-header PVL opener sa ganap na 7 pm.

Target nina Valdez, Jia Morado, Michele Gumabao, Jema Galanza, Risa Sato at bagong recruit na si Tots Carlos na kuhanin ang pangatlong Open Conference title ng prangkisa.

Matatandaang may perpektong 20-game sweep ang Creamline sa huling PVL tournament bago magpandemic, dalawang taon na ang nakararaan.

Ito naman ang unang laro ng Sta. Lucia sa PVL na may ipinagmamalaking  mga bagong manlalaro na pangungunahan nina Reyes, MJ Phillips at Djanel Cheng at bagong recruits Aiza Maizo-Pontillas, Dell Palomata, Jovie Prado at Jonah Sabete.

Maglalaro rin sa opening ang Chery Tiggo at PLDT, na tatapusin ang kanilang pamamahinga sa volleyball sa ganap na ala-una ng hapon.

Magbabalik si crossover star Jaja Santiago sa PVL at haharapin ang dati nitong club na PLDT at ex coach Roger Gorayeb.

Makakasama ni Santiago sa Tiggo sina Dindin Santiago-Manabat, Mylene Paat, Jasmine Nabor at Buding Duremdes kontra sa Power Hitters na ipaparada ang kanilang pambatong sina Isa Molde, Rhea Dimaculangan, Eli Soyud at Chinchin Basas.

Samantala, sa ikalawang laro ay bibida si Rachel Anne Daquis sa Cignal kontra sa Perlas Spikers sa ganap na 4 pm.

Maglalaro naman ang reigning reinforced conference champion Petro Gazz, Army, BaliPure at Choco Mucho sa July 18.

Anim na araw kada-linggo ang magiging laro sa PVL at mamahinga tuwing Sabado pwera lang sa opener. Ang apat na team ay aabanse sa semifinals matapos ang single round robin elimination.Rico Navarro