ALZA niratrat ng Basilan sa VisMin Cup

ALZA niratrat ng Basilan sa VisMin Cup

July 7, 2021 @ 4:39 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Dinurog ng Basilan ang ALZA Alayon Zamboanga del Sur, 82-48, sa pagbubukas nang nabinbin na Mindanao leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Provincial Gymnasium ng Ipil, Zamboanga Sibugay.

Tangan ang bagong monicker na Peace Riders mula sa dating Steel Riders sa kanilang kampanya sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Division Finals, rumatsada ang Basilan sa 15-7 bentahe tungo sa dominanteng panalo. Naselyuhan ng Basilan ang 40-14 kalamangan sa halftime.

“After nung first quarter, sinabihan ko yung players ko na huwag silang magmadali, focus lang (kaya nakalamang nang malaki),” pahayag ni Peace Riders head coach Jerson Cabiltes.

Nanguna si Michael Mabulac sa Basilan na umiskor ng 16 puntos, 11 rebounds, tatlong assists, dalawang steals, at isang block, habang kumasa si Hesed Gabo ng 14 markers at pitong boards at tumipa sina Chris Bitoon at Michael Juico ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Matibay na depensa ang inilatag ng Peace Riders na nagresulta sa 22 turnovers ng ALZA Alayon, na pinangunahan ni Dan Sara na may 17 puntos.

Target ng ALZA Alayon na makabawi sa pakikipagtuos sa Iligan sa Biyernes ganap na 3:00 ng hapon, habang mapapalaban ang Peace Riders sa Roxas City ganap na 3 ng hapon sa Martes.

Nabinbin ang Mindanalo leg na orihinal na nakatakda nitong Hunyo 22 bunsod nang paniniguro sa ‘safety and health’ protocol.

Iskor:

Basilan 82 – Mabulac 16, Gabo 14, Bitoon 12, Juico 11, Lunor 6, Balucanag 6, Taganas 4, Uyloan 3, Collado 2, Manalang 2, Saliddin 2, Siruma 2, Baloria 2, Hallare 0, Tan 0.

Zamboanga del Sur 48 – Sara 17, Jabello 7, Raflores 7, Cabrilla 5, Tajonera 5, Celada 3, Puerto 2, Moneva 2, Amoquis 0, Biwang 0, Cruz 0, Daa 0, Labisores 0, Dela Cruz 0, Pepito 0.

Quarterscores: 15-7, 40-14, 61-31, 82-48.RICO NAVARRO