Ama isinelda sa 12 taong panghahalay sa anak

Ama isinelda sa 12 taong panghahalay sa anak

November 5, 2022 @ 10:05 AM 1 month ago


GATTARAN, CAGAYAN- Tuluyan nang isinelda ang isang ama dahil sa panggagahasa umano nito sa sariling anak sa loob ng halos 12 taon dito sa nasabing bayan.

Ayon kay P/Major Garry Macadangdang, hepe ng Gattaran Police Station, halos limang taong gulang palamang ang biktima nang una siyang halayin ng kanyang ama at huli namang nangyari ang panggagahasa nito lamang Nobyembre 1.

Natakot na magsumbong ang biktima na itinago sa pangalang Nene na ngayon ay 17-anyos na dahil iminulat na ng kanyang ama sa kanyang isip ang pananakot na papatayin niya silang mag-iina sa oras na siya ay magsumbong.

Maaari natakot din ang biktima dahil kapag nalalasing ang kanyang ama ay sinasaktan nito ang kanyang ina.

Labis na ipinagtataka ng ina ng biktima na sa tuwing nalalasing ang suspek na itinago pansamantala sa pangalang Cris, 39-anyos na suspek ay lagi nitong gustong katabi sa pagtulog ang kanyang anak.

Dahil hindi na matiis ng biktima ang pangmomolestya ng kanyang ama ay nagpasya ito na magsumbong sa kanilang kamag-anak na nasa Santiago City, Isabela na mabilis namang nakipag-ugnayan sa ina at kaanak ng biktima at nagsumbong sila sa pulisya.

Matapos matanggap ni PMaj. Macadangdang ang sumbong ay agad naman nilang inimbestigahan at hinuli ang suspek.

Sa pag-aresto ng pulisya sa suspek ay narekober mula sa kanya ang isang unit ng 5.56 na hand gun (One Pong), dalawang bala ng parehong kalibre, isang hand grenade at isang nakabalot sa papel na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

Nahaharap sa patung-patong na kaso ang suspek dahil sa paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law, RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) , R.A 9516 (Illegal Possession of Explosives) at R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco