AMA NA KONTRA-BAKUNA, MISIS, 3 ANAK MINASAKER

AMA NA KONTRA-BAKUNA, MISIS, 3 ANAK MINASAKER

December 13, 2021 @ 10:43 AM 10 months ago


KUNG hindi ka papatayin ng virus ng coronavirus disease-19, ang isang taong kontra-bakuna ang gagawa nito dahil pa rin pa rin sa COVID-19.

Ito ang isang mapait na kasaysayan ng isang pamilyang may limang miyembro na namatay lahat sa kamay ng ama ng tahanan sa Berlin, Germany.

Pinagbabaril niya ang kanyang misis at tatlong anak saka nagbaril sa ulo na kanya ring ikinamatay.

BAKUNA, GAWANG HITLER

Pinangalanan lang na Devid R ang ama ng tahanan.

Simple lang ang rason ni Devid laban sa programang bakuna ng pamahalaang Germany: Isa itong holocaust .

Holocaust ang tawag sa paglipol ni Nazi leader Adolf Hitler sa mga Hudyo sa Germany, kasama ang mga bading, Jehovah’s witness, komunista at lider-unyon.

Anim milyon lahat ang pinagpapatay sa baril, gas chamber at iba pang paraan.

Sa iba’t ibang concentration camp isinagawa ang maramihang pagpatay.

Para kay Devid R, maraming kamatayan o pagpatay rin ang pagbabakuna kaya gayun na lamang ang pagkontra niya rito.

NAMEKE NG VACCINE CERTIFICATE

Sa mga araw na ito, hindi ka basta makasakay ng tren, makakain sa restoran, makapunta sa anomang shop at gym at makadalo sa malakihang pagtitipon kung hindi ka bakunado.

At dahil nagtatrabaho ang misis ni Devid na si Linda sa Technical University, gumawa siya ng vaccine certificate o passport para kay misis na natuklasan namang peke ng nasabing unibersidad.

Dito na naniwala si Devid R na mabibilanggo silang mag-asawa at ilalayo ng pamahalaan sa kanila ang mga anak nilang sina Leni, Janni at Rubi na edad 4, 8 at 10.

Pinagbabaril niya lahat ang anak niyang natutulog saka isinunod si Linda at nagbaril sa ulo nang may suicide note na roon nalaman ang dahilan ng masaker.

NO BAKUNA, NO ENTRY

Dito sa Pinas, dumarami na ang mga opisina ng pamahalaan at establisimyento na hindi nagpapasok sa kanila ng mga hindi bakunado.

Halimbawa rito ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu, mga hotel, restoran, pasyalan, pabrika at iba pa.

May mga lalawigan na ring may mga checkpoint at humihingi ng pagpapakita ng vaccine card o reverse transcription polymerase chain reaction test o medical certificate na gumalin ka sa COVID-19.

Darating ang araw na maaaring lalawak ito nang husto sa buo mula Batanes hanggang Jolo.

Tiyak maglilipana ang mga pekeng ganitong papeles.

Sana naman, hindi magbubunga ng mga pagpatay at masaker ang mga ito.