Ama na umawat sa trobol ng anak, pinala, sinaksak ng ‘kabayo’

Ama na umawat sa trobol ng anak, pinala, sinaksak ng ‘kabayo’

July 12, 2022 @ 3:39 PM 1 month ago


Bustos- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ama na umawat lamang sa away ng anak nang biglang paluin ng pala at saksakin ng bote ng isang 23-anyos na lalaki sa Bustos.

Kinilala ang suspek na si Gerald Amor, 23, helper residente ng Bagong Pabahay, San Jose Del Monte habang ang biktima ay si Marco Centeno, 49, painter ng Niugan, Angat.

Sa report ng Bustos police, nangyari ang insidente bandang alas-9:30 ng gabi nitong Hulyo 9 sa Purok 7, Brgy. Tibagan, Bustos.

Ayon sa report, sinabihan ang biktima ng kapitbahay niya na ang kanyang anak ay binubugbog ng grupo ng kalalakihan sa naturang purok.

Walang sinayang na oras, dali-dali siyang tumungo sa lugar para malaman ang nangyari at maawat ang kaguluhan.

Nang makarating ay sinubukan niyang pakalmahin ang komosyon subalit bigla siyang pinalo ng pala at sinaksak ng basag na bote ng Red Horse ni Gerald.

Dahil dito, agad isinugod sa Bustos Community Hospital ang sugatang biktima para sa paunang lunas.

Humihimas naman ng rehas na bakal ang naarestong suspek na nahaharap sa kasong attempted homicide. Dick Mirasol III