Ama ni Liza, dumepensa sa aktres!

Ama ni Liza, dumepensa sa aktres!

March 2, 2023 @ 2:27 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Kahit sinong magulang ay ipagtatanggol ang anak.

Sabi nga, any parent will take a bullet for his child.

Ito ang gustong patunayan ni John Castillo Soberano, ama ni Liza, sa gitna ng kontrobersyang kinapapalooban ng kanyang anak.

Nagkakaisa ang mga bashers ni Liza sa pagsasabing ingrata at walang utang na loob ito batay sa 14 minutong vlog nito.

Sa naturang vlog nagpakawala si Liza ng kanyang mga saloobin na kinimkim sa loob ng 13 taong pagiging contract star ng ABS-CBN at alaga ng manager na si Ogie Diaz.

Ani Liza, maging ang kanyang screen name ay hindi niya pinili.

Inireklamo rin ni Liza na umikot lang daw siya sa tatlong direktor at isang leading man.

De numero rin daw ang kanyang mga kilos.

Nakadama lang daw siya ng ganap na kalayaan nang makawala sa Star Magic at sa kuwadra ni Ogie.

Pinuri naman ni Liza ang management agency ni James Reid dahil nagkakatugma raw sila ng vision.

Dahil sa mga pinakawalang salita ni Liza sa naturang vlog kung kaya’t umani siya ng mga batikos, hindi lang mula sa mga kilalang personalidad tulad nina Boy Abunda at Cristy Fermin kundi maging sa mga netizens.

Dito na to the rescue ang ama ni Liza.

Humihingi ng paumanhin si John kung nakasakit man daw ng damdamin ang kanyang anak.

Pero nakiusap din siyang unawain si Liza.

“For you guys, why don’t you sit back, relax and rewatch the video,” pakiusap ni John sa mga bashers.

Samantala, in his capacity as an artist manager ay masakit daw ani Boy sa kanilang hanay ang mga pahayag ni Liza.

Maaari naman daw sumige si Liza sa kung ano ang gusto nitong gawin sa kanyang career pero pinapaalala ni Boy na mahalaga ang magpasalamat sa mga taong tumulong upang marating ni Liza ang kanyang kinalalagyan.

“Journey in gratitude,” ani Boy.

Si John Castillo ang ama na nabilhan ni Liza ng bahay samantalang ang ina naman ang pinadadalhan ng pera ng aktres sa Amerika buhat sa kanyang showbiz earnings. Ronnie Carrasco III