Ama patay, anak kritikal sa stepson na natalo sa bunong braso

Ama patay, anak kritikal sa stepson na natalo sa bunong braso

November 11, 2022 @ 10:13 AM 2 weeks ago


SANTIAGO CITY – Nauwi sa madugong trahedya ang isang birthday party na ikinasawi ng isang ama habang malubhang nasugatan ang anak nito matapos silang pagsasaksakin ng stepson na natalo sa bunong braso ng kapatid nito, iniulat kaninang umaga, Nobyembre 11 sa bayan ng Rizal.

Kinilala ang nasawi na si Roel Fabro, 46 anyos habang inoobserbahan naman sa ospital ang 15-anyos na anak nitong lalaki at kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Jeffrey Pusilero, 27-anyos at residente ng San Antonio, Ramon Isabela.

Batay sa report ng Santiago City Police Office (SCPO) Station 2, bago ang krimen parehong bisita ang mag-ama at suspek sa isang birthday party sa nasabing lugar.

Habang nag-iinuman, niyaya ng batang Fabro ang kuya nito (suspek) ng bunong-braso subalit natalo niya ito ng tatlong beses na nauwi sa asaran.

Nagalit ang suspek at niyaya nito ng suntukan ang batang kapatid nakita ng matandang Fabro na tangkang susuntukin ng kanyang stepson ang anak kaya umawat na ito.

Sa halip na makinig si Pusilero sa amahin nagalit ito sabay kuha ng kutsilyo nitong sukbit at pinagsasaksak ang stepdad sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kamatayan nito.

Sunod naman hinabol ng suspek ang kanyang kapatid at sinaksak sa katawan saka mabilis na tumakas.

Dinala naman sa ospital ang batang Fabro para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat.

Nanawagan naman ang ina ng suspek na si Gigi Domingo na sumuko na ito sa mga awtoridad at panagutan ang ginagawang krimen.

Sinabi naman ni Domingo na mayroon na rin hidwaan ang kanyang anak at asawa dahil sa pagnanakaw ng suspek ng mga alagang kalapati ng biktima. Mary Anne Sapico