Ama tinaga ng anak sa lighter

Ama tinaga ng anak sa lighter

April 2, 2022 @ 11:50 AM 3 months ago


BAYAMBANG, Pangasinan- Luwa ang bituka ng isang ama matapos pagtatagain ng sariling anak dahil lamang sa lighter nitong Biyernes sa bayang ito.

Inoobserbahan ngayon sa ospital ang biktimang si Edgar De Vera, 49 habang nadakip naman ang suspek at anak nitong si Edwin De Vera, 21, kapwa residente sa Barangay Sancagulis, ng naturang bayan.

Ayon kay PLt. Jim Helario, ang Officer In-Charge ng Bayambang Police Station, nagkaroon ng komprontasyon ang mag-ama dahil sa lighter.

Inutusan umano ng anak ang ama na iabot ang lighter subalit nagalit ang huli hanggang sa naitulak ng una ang ama na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Umalis ang suspek subalit pagbalik nito ay may dala na siyang itak saka pinagtataga sa tiyan ang ama hanggang sa lumuwa ang bituka.

Dinala naman sa ospital ang matandang de Vera para lapatan ng lunas habang nadakip naman ang anak nito ng mga rumespondeng otoridad.

Kasalukuyan nasa lock-up cell ng ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong frustrated murder na may piyansang P200,000.00. Mary Anne Sapico