Amang nang-hostage ng anak, todas!

Amang nang-hostage ng anak, todas!

May 16, 2022 @ 3:49 PM 1 month ago


BULACAN – Patay ang isang 43-anyos na padre de pamilya na nang-hostage sa kanyang 14-anyos na anak na lalaki at manaksak ng rumespondeng pulis sa bayan ng Marilao.

Kinilala ang namatay na si Fredie Cubol Lontayao habang itago sa pangalang “Mat” ang minor na biktima kapwa residente ng Brgy.Sta.Rosa

Samantalang ang pulis na rumespondeng nasugatan ay si Police Lt. Joel De Leon, nakatalaga sa Marilao Municipal Police Station.

Sa report ni Marilao chief of police PLTCOL Bernard Pagaduan,nangyari ang insidente bandang 3:00 pm sa bahay ng suspek.

Ayon kay Pagaduan,rumesponde ang mga pulis matapos humingi sa kanila ng tulong ang asawa ng suspek bandang 2:00 pm dahil binubugbog at pinagbabantaan nito ang kanyang anak.

Dahil dito,mabilis na tumulak ang mga pulis sa lugar hanggang sa pinakiusapang sumuko subalit sinuway ito ng lasing na suspek na umanoy kargado ng kitchen knife.

Bandang 3:00 pm ay sinikap na ng mga pulis sa pangunguna ni PLT De Leon na pasukin at iligtas ang biktima sa kamay ng buhong na ama.

Nang makita ng suspek si PLT De Leon ay walang kaabog-abog na pinagsasaksak ito hanggang sa makorner ang pulis na bumunot at gumanti ng isang putok.

Tinamaan sa kaliwang pisngi ang suspek na nawalan ng malay habang nasugatan sa kaliwang tiyan ang pulis.

Agad tinawag ng mga awtoridad ang Marilao rescue team at dinala sa Rogaciano Memorial Hospital sa Sta Maria ang suspek para maisalba subalit binawian din ito ng buhay kalaunan.

Ayon pa kay Pagaduan,may impormasyon sila na ang lasing at napatay na suspek ay paulit-ulit na inirereklamo sa kaparehong kaso at sinasabing gumagamit ng iligal na droga.

Nakuha ng SOCO  ang isang basyo at dose pulgadang kutsilyo sa lugar. Dick Mirasol