Ambassador Romualdez, bukas sa pagbusisi sa VFA

Ambassador Romualdez, bukas sa pagbusisi sa VFA

July 13, 2022 @ 3:29 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na walang problema kung muling isinusulong sa Kongreso ang pagrepaso sa Visiting Forces Agreement o VFA na kasunduan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa Kapihan sa Manila Bay media forum, sinabi ni Romualdez na bukas naman sila sa gobyerno sa plano ng mga senador o mga kongresista sa 19th Congress na mabusisi ang VFA.

Katunayan aniya ay mayroon silang mekanismo kaugnay sa VFA at mayroong taon-taong review ng VFA.

Ayon kay Romualdez,  mayroong Mutual Defense Board na bumibusisi sa VFA, Mutual Defense Treaty at Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Binabalikan din ang pagpapairal sa VFA upang makita kung  ano-ano ang mga dapat na ma-improve o mapagbuti.

Sinabi pa ni Romualdez na  may mga pagbabago namang nagawa at patuloy pang pinagsusumikapan na mapalakas ito.

Dagdag pa ng ambassador, mayroong Bilateral Strategic Dialogue na ginagawa taon-taong, at umaasa umano sila na magagawa ito sa Maynila sa darating na Nobyembre kung saan makakasama sa tatalakayin ang defense security at economic relationship ng Pilipinas sa Amerika. Jocelyn Tabangcura-Domenden