Ambassadors Romualdez, Lagdameo nakalusot sa CA; deliberasyon kay Manalo sinuspinde

Ambassadors Romualdez, Lagdameo nakalusot sa CA; deliberasyon kay Manalo sinuspinde

August 31, 2022 @ 5:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tuluyan nang nakalusot sa butas ng karayom ng Commission on Appointments (CA) sina Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez at Permanent Representative of the Philippines to the United Nations Antonio Manuel Lagdameo.

Ito’y matapos kumpirmahin ng mga mambabatas ang appointments nina Romualdez at Lagdameo habang  ipinagpaliban naman ang deliberasyon ng appointment ni  Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, dahil sa kakapusan ng oras.

Si Romualdez,  second cousin  ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr., ang  Philippine envoy to the US  simula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Kasabay ng pagiging Philippine Ambassador to the United States, may hurisdiksyon din si Romualdez sa Jamaica, Haiti, Trinidad and Tobago, Antigua and Barbuda,  Bahamas, Barbados, Dominica,  Federation of Saint Kitts and Nevis, Saint Vincent and Grenadines, at Saint Lucia.

Sa kabilang dako, nagsilbi naman si Lagdameo bilang ambassador to the United Kingdom bago pa ang kanyang  appointment sa ilalim ng bagong administrasyon.

Siya ang ama ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo.

Samantala, sinuspinde ng Commission on Appointments (CA) panel ang deliberasyon sa nominasyon ni  Enrique Manalo bilang Kalihim ng Department Foreign Affairs (DFA) dahil sa kakapusan sa oras.

Si CA Majority Leader Luis Raymund Villafuerte ang gumawa ng mosyon para sa CA foreign affairs committee na suspendihin ang deliberasyon dahil kailangan pa ng bicameral commission na i-convene ang plenary at magdaos ng executive session bunsod na rin ng naging kahilingan ni  CA Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Ang mosyon ay sinegundahan ni  Senador JV Ejercito.

Sa kabilang dako, nabanggit naman ng mga mambabatas sa isinagawang pagdinig  ang mga usapin na nakaaapekto sa passport issuance.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senador Imee Marcos sa sa kabiguan ni Manalo na makadalo sa  organizational hearing ng Senate foreign relations committee at naantalang pagsusumite ng posisyon ng DFA sa ilang usapin gaya ng Visiting Forces Agreement, Code of Conduct in the South China Sea, at Regional Comprehensive Economic Partnership.

Si Marcos ang chairman ng Senate foreign relations committee.

“It is just my regret that we were unable to have the briefing the other day. I completely apologize for that, but it was honestly completely beyond my control, but I would have definitely come had these previous engagements not been there,” ayon naman kay  Manalo.

“But certainly, to assure the chairperson that we have every intention of cooperating with your committee, and in fact, I want us to have open communication at all times,” dagdag na pahayag nito.

Sinusugan naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang concern ni Marcos, sabay sabing hindi pa organisado ang komite.

Aniya, hindi maipagtatanggol ng Senado ang budget ng DFA para sa taong 2023 kung hindi sila ibi-briefed  ng departamento ukol sa plano at programa nito.

Humarap si Manalo sa CA committee, araw ng Miyerkules kasama sina Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez at  Permanent Representative of the Philippines to the United Nations Antonio Lagdameo. Kris Jose