Ambulansya, ginamit sa pamamaril sa Marawi

Ambulansya, ginamit sa pamamaril sa Marawi

March 17, 2023 @ 7:13 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ginamit ng mga suspek sa pamamaril sa Marawi City ang town ambulance para maisagawa ang krimen.

Sa CCTV footage, nakuhanan ang ambulansya na huminto sa gilid ng kalsada bago barilin ng drayber nito ang lalaking nakatayo sa malapit.

Pagkatapos gawin ang krimen ay agad na sumibat ang gunman.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, napag-alaman na nakarehistro ang ambulansya na pagmamay-ari ng bayan ng Ganassi.

Ang hinihinalang drayber naman nito na suspek sa pamamaril ay si Ansary Marohombsar — dating municipal councilor — na matagal nang tinutugis.

“Allegedly ‘yung suspek is team leader ng MDRRMO [Municipal Disaster Risk Reduction Management Office] ng Gannasi municipality kaya may access talaga siya sa ambulansya,” sinabi ni Marawi city police chief Lieutenant Colonel Gieson Baniaga.

Kinilala naman ni Baniaga ang biktima na si Joseph Alindo Saragena, ngunit lumalabas sa imbestigasyon na hindi ito ang target ng gunman kundi ang tao na nasa gilid nito.

“There was this initial report na ang nangyaring insidente kahapon ay parang personal grudge. ‘Yun nga kanina sinabi ko na may involving love triangle,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Police Major Alvison Mustapha, spokesperson ng Lanao del Sur Provincial Police Office, posibleng ambulansya ang ginamit ng suspek dahil alam niyang hindi agad-agad mapapahinto ang naturang sasakyan.

“Ang ambulansya alam naman natin na hindi pwedeng i-[flag] down eh, hindi pwedeng iharang sa checkpoint… inanticipate niya na magagawa niya sa pagtakas ito ginamit niya,” aniya.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang ginamit na ambulansya bago iturn over sa munisipyo na iniwan ng suspek matapos gawin ang pamamaril. RNT/JGC