Ambulansya ng BFP ipakakalat sa matataong lugar sa NCR

Ambulansya ng BFP ipakakalat sa matataong lugar sa NCR

November 29, 2022 @ 7:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inatasan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang bagong-upong Bureau of Fire Protections (BFP) National Capital Regional (NCR) Director F/Chief Superintendent Nahum Tarroza na palakasin ang BFP-EMS o ang Emergency Medical Services na makita ang mga ambulansya sa matataong lugar sa Kalakhang Maynila upang umagapay sa mga aksidente sa lansangan.

Ayon kay Tarroza, bihasa ang mga tauhan ng BFP-EMS sa pagsasagawa ng kahit na anong klaseng rescue operations kaya dapat na regular silang magroronda at paparada sa mga main road ng NCR gabi-gabi.

Aniya, layunin ng nasabing programa na mas mapabilis ang pagresponde ng rescue sa mga naaaksidente sa kalsada.

Samantala, nagsagawa rin ng balasahan sa hanay ng bumbero sa limang siyudad sa NCR kung saan nilinaw naman ni Tarroza na ang mga naalis na fire marshals ay hindi demotion bagkus bahagi ito ng kanilang promosyon para sa tatahakin nilang panibagong mas mataas na posisyon.

Dahil dito, sinabi ng opisyal na dapat ay magsipaghanda na silang magschooling para mas mapabilis ang inaasahan nilang makamit ang mas mataas na position.

Hinamon naman ni Tarroza ang mga bagong upong district fire marshal na magpatupad ng mga bagong sistema na epektibo at progresibong programa sa kanilang mga sinasakupan.

Sa talumpati ng BFP-NCR Director, mahigpit na ipinagbabawal nito ang mga nangyayaring inuman sa mga istasyon ng bumbero kahit hindi oras pa ng kanilang trabaho at huwag na nilang hintayin na siya pa ang makahuli sa mga pasaway na bumbero dahil hindi aniya sasantuhin ang sinumang kawani at kanya na agad na papatawan ng mabigat na kaparusahan. Jan Sinocruz