Ambush: Dating mayor sa Samar, sugatan; bodyguard at suspek, utas

Ambush: Dating mayor sa Samar, sugatan; bodyguard at suspek, utas

October 8, 2018 @ 4:18 PM 4 years ago


 

Samar – Tinambangan ng isang armadong grupo ang dating alkalde ng San Jose de Buan sa Samar kung saan nasugatan ito habang nasawi naman ang bodyguard nito.

Kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa Tacloban City ang biktima na si Ananias Rebato, 57, habang dead on the spot naman sa pinangyarihan ng pananambang ang 24 anyos na bodyguard na si Severino Tesorio.

Patay din sa insidente ang isa sa apat na suspek ng mapuruhan ng security aide ng dating LGU official sa pagganti ng putok nito ng baril.

Napag-alaman sa ulat na pasakay pa lamang ang mga biktima sa isang SUV pasado ala una ng madaling araw ng Lunes ng sila ay pagbabarilin ng apat na lalaki sa Barangay Baclayon.

Napag-alaman na nakatakda sanang magtungo si Rebato sa mismong bayan mula sa tahanan nito para dumalo sa isang kapiyestahan ng isang Barangay doon ng abangan ng grupo.

Politika umano ang nakikitang dahilan sa tangkang pagpaslang kay Rebato dahil nakatakda itong tumakbo sa 2019 elections bilang bise alkalde ng naturang bayan.

Naging alkalde si Rebato simula taong 2007 hanggang 2016. (Jeff Gallos)