Amihan, frontal system magpapaulan sa Luzon

Amihan, frontal system magpapaulan sa Luzon

March 15, 2021 @ 6:33 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Magdadala ng mga pag-ulan sa Luzon ang amihan at low pressure area (LPA) ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Huling namataan ang LPA sa layong 15 kilometro hilaga ng Cuyo, Palawan.

Makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang MIMAROPA, Bicol Region, CALABARZON, Eastern Visayas at Panay Island dahil sa LPA at Tail end of Frontal System (Shear Line).

May posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nabanggit na lugar sa tuwing lalakas ang buhos ng ulan.

Amihan naman ang magdadala ng maulap na papawirin at mahihinang pag-ulan sa Cagayan Valley, at Aurora.

Ang Metro Manila at nalalabing lugar sa Luzon ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may hiwa-hiwalay na mahihinang pag-ulan bunsod ng amihan.

Sa Mindanao at natitirang bahagi ng Visayas ay makararanas ng katamtaman hanggang sa maulap na papawirin na may hiwa-hiwalay na pag-ulan dala ng localized thunderstorms na may posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Ang Luzon ay magiging katamtaman hanggang sa malakas ang hangin na iihip patungong hilagang-silangan habang bahagya hanggang sa malakas ang alon sa mga baybayin.

Sa Visayas naman ay magiging mahina hanggang sa bahagya ang hangin mula timog-silangang patungong hilagang-silangan habang mahina hanggang sa katamtaman ang alon.

Magiging mahina hanggang sa bahagya rin ang hangin sa Mindanao na iihip sa timog-kanluran patungong timog-silangan habang mahina hanggang sa katamtaman ang alon.

Sumikat ang araw bandang 6:04 ng umaga at lulubog dakong 6:06 ng gabi. RNT/ELM