Amit, kumpiyansa sa pag-angat ng Pinay sa bilyar

Amit, kumpiyansa sa pag-angat ng Pinay sa bilyar

March 16, 2023 @ 2:10 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa si World billiards champion Rubilen ‘Bingkay’ Amit na mas maraming Pinay bilyar players ang mabibigyan ng pagkakaton na maipakita ang kanilang mga talento at mapanatili ang pagsulong ng sports sa programa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa women’s billiards.

Ayon kay Amit, pinakamatagumpay na babaeng atleta sa larangan ng bilyar, napapanahon ang PSC Women’s 9-Ball tournament na sasargo sa Marso 25-26 para mabigyan ng pagkakataon ang mas marami pang players na makapaglaro sa mga kompetisyon at masanay para makapagbigay ng karangalan sa bansa mula sa international competition.

Inamin ni Amit na naging tahimik ang billiards kumpara sa panahon na namayagpag sina Efren ‘Bata’ Reyes, Django Bustamante at madugtungan ng kanyang tagumpay sa women’s stage, ngunit patuloy aniya ang mga programa sa sports at sa pakikipagtulungan ng pribadong sector at mga LGU’s umaasa siyang manunumbalik ang sigla ng sports.

 “Maganda po itong PSC Women’s 9-ball tournament na inorganized ni Commissioner Bong Coo. Para po ito sa grassroots na napakahalaga po para sa continuity ng development program sa sports. Right, now po may 11-year-old tayong players mula sa Zamboanga na napakahusay. Meron din tayong batang champion from Bacolod na talagang promising,” pahayag ni Amit sa ‘Women’s Month’ session ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.

“Sa ngayon po kasi kami lang ni Chezka (Centeno) ang sa National Team na lumalaban sa kompetisyon sa abroad. Right now, malaki ang tsansa natin. Maraming malalakas na players na talagang tumatalo sa mga players nating lalaki. Hopefully, in the future makapag-produce uli tayo ng world champion,” aniya.

Bukod sa Women’s 9-ball na bahagi ng programa ng PSC para sa pagdiriwang ng ‘Women’s Month’, sasargo din ngayong buwan ang Amit Cup Finals na magtatampok sa 16 na pinakamahuhusay na women’s cue artists sa bansa.

“Yung top 16 po after five series of the tournament ang maglalaban sa Amit Cup. Focus kami sa grassroots at talagang nakita natin dito ang mahuhusay  na players na puwedeng-puwede sa National Team,” ayon kay Amit sa sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Behrouz Persian Cuisine.

Ipinahayag din ni Amit ang kahandaan kasama si Centeno sa kanilang pagsabak sa carom event ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.JC