Ammonia sumingaw sa ice plant sa Navotas

Ammonia sumingaw sa ice plant sa Navotas

June 26, 2022 @ 12:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nabulabog ang mga residente matapos tumagas ang ammonia sa isang planta ng yelo sa Navotas City, Sabado ng gabi.

Sa report ni PCpl Dandy Sargenton kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa Magsimpan Ice Plant and Cold Storage  Inc. na matatagpuan sa kahabaan ng M Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City.

Sa pahayag sa pulisya ni Roey Ganzo, nasa hustong gulang at in-charge maintenance ng naturang planta ng yelo, habang naglilinis siya ng natitirang liquid sludge nang mapansin niya ang malakas na amoy ng ammonia sa loob ng residential area ng nasabing ice plant.

Kaagad silang umalis sa loob ng naturang lugar saka humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga tauhan ng Navotas police.

Mabilis namang rumesponde sa naturang lugar ang Navotas Police Sub-Station 4, at Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni F/Insp. Gabriel Trinidad.

Ayon sa mga awtoridad, wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente habang ayon kay BFP investigator SFO2 Junie Bert Mendoza patuloy ang kanilang further imbestigasyon sa nasabing insidente. Boysan Buenaventura