Amo grinipuhan ng helper

Amo grinipuhan ng helper

December 19, 2022 @ 12:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Malubhang nasugatan ang isang 64-anyos na negosyante matapos saksakin ng kanyang helper makaraan ang mainitang pagtatalo sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Edgardo Manggay, 64, businessman at residente ng Barangay Tañong.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na kinilala bilang si Jazel Casin, 22 ng  Barangay Tañong.

Sa report nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Michael Oben kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Sa pahayag sa pulisya ng mga tanod ng Brgy. Tañong na sina Mario Dela Cruz at Romeo Bayles, habang naka-duty sila nang makita nila ang biktima na naglalakad mula sa kanyang bahay na may mga saksak at pumara ng pampasaherong tricycle kaya’t nilapitan nila ito.

Nalaman nila na sinaksak ang biktima ng kanyang helper na naging dahilan upang agad na isinugod sa nasabing pagamutan habang rumesponde naman ang mga tanod sa bahay ng negosyante kung saan nakita nila si Casin na may mga dugo ang kamay kaya’t inaresto nila ito.

Sa kanilang pag-imbestiga, napag-alaman ng pulisya mula sa mga kapitbahay ng negosyante na madalas umanong nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at ang suspek dahil sa hindi pagkakaunawaan. Boysan Buenaventura