Amyenda sa Konstitusyon kailangan para ipagpaliban ang halalang 2022 – Rodriguez

Amyenda sa Konstitusyon kailangan para ipagpaliban ang halalang 2022 – Rodriguez

September 27, 2020 @ 2:49 PM 4 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inihayag ni Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez na tanging amyenda lang sa Konstitusyon ang paraan para maipagpaliban ang halalang 2022 at hindi pupwede ang coronavirus disease-19 o COVID-19.

Ginawa ni Rodriguez ang pahayag bilang tugon sa panawagan ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo na pag-aralan ng mga kinauukulan, kasama na ang Commission on Elections, kung pupwedeng ipagpaliban ang nasabing halalan sa gitna ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan dahil sa pandemyang COVID-19.

Paliwanag ni Rodriguez, itinakda ng Konstitusyong 1987 na gaganapin ang halalan para sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, kongresman at mga lokal na opisyal sa mga lalawigan, lungsod at bayan, maliban sa barangay, kada ikalawang Lunes ng Mayo at babagsak ito sa petsang Mayo 9, 2022.

Kung mayroon umanong pupwedeng baguhin, tanging ang mga kaparaanan upang mairaos ang halalan.

Halimbawa umano ang pagbibigay sa mga  senior citizen at may kapansanan ng pagboto isang linggo bago ang araw ng halalan.

Pupwede ring lima-limang botante lang ang papayagang pumasok sa lugar ng botohan sa halip na 10 gaya ng nagaganap ngayon.

Pwede rin umanong dagdagan ng oras o araw ang pagboto para matupad lahat umano ang mga patakaran sa pag-iingat laban sa pandemya gaya ng social distancing at iba pa.

Hindi namanb sumang-ayon ang mambabatas sa panukalang idaan sa koreo o mail ang pagboto dahil malaki umano ang posibilidad na gagamitin lang ito ng mga mandaraya.

Bilang chairman din ng House Committee on Constitutional Amendments, sakaling mayroon umanong panukala na ihahain para sa pagpapaliban ng nasabing halalan, kaagad umano niyang ibabasura.

Gayunman, dapat umanong dagdagan ang badyet ng Commission on Elections upang matugunan nito ang pandemya gaya ng pagpapasuot ng personal protective equipment sa mga manunungkulan sa mga presinto. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...