Anak 2 beses binaril sa ulo ng ‘sinapiang’ amang ex-parak

Anak 2 beses binaril sa ulo ng ‘sinapiang’ amang ex-parak

October 25, 2022 @ 12:35 PM 1 month ago


Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 26 anyos na lalaki na umanoy binaril ng dalawang beses sa ulo ng kainumang ama sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Kinilala ang naarestong suspek na si Enrique Galapate, 62, retired police habang ang biktima ay si Erickson Galapate, construction safety officer, kapwa residente ng Francisco Homes,  Brgy. Narra.

Sa report ni SJDM Acting chief of police PCOL. Ronaldo Lumactod Jr,  nangyari ang insidente bandang 3:30 ng umaga nitong Oktubre 24 sa kanilang bahay.

Ayon sa report, nang malasing ang ama ay nasabihan ng masakit na salita ang anak dahilan para sumagot ito.

Hindi naman nagustuhan ng  ama ang pagsagot ng anak na lubhang ikinagalit niya hanggang sa kumuha ng baril at pinutukan ng dalawang beses sa ulo  na agarang ikinamatay nito.

Dahil dito, agad rumesponde ang mga awtoridad kaya naaresto ang suspek habang narekober ang Pietro Beretta 9mm at nakuha kalaunan ang dalawang basyo ng bala nito sa lugar.

Nakatakdang isalang sa autopsy ang labi ng biktima para sa kaukulang eksaminasyon ng mga awtoridad.

Sinasabing nagiging masama ang asal ng amang suspek sa  tuwing sinasapian ng espiritu ng alak o nalalasing.

Nahaharap ang suspek sa kasong Parracide habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III