Anak hinataw ng walis sa ulo ng ama, todas

Anak hinataw ng walis sa ulo ng ama, todas

December 26, 2022 @ 3:09 PM 1 month ago


Bulacan – Humihingi ng hustisya ang kaluluwa ng 15 anyos na lalaking nagparamdam sa kanyang kapatid na umanoy napatay sa palo ng walis sa ulo ng sarili niyang ama sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Ito ang malaking paniwala ng ina ng biktimang si Maricar Peralta, 38 at nakakabatang lalaking kapatid, kapwa residente ng Brgy. Sto. Cristo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng SJDM police, noong Nobyembre 20, isinugod ang biktimang itago sa pangalang “Rom” sa kalapit na ospital dahil sa hirap sa paghinga subalit dead on arrival ito.

Hindi kumbinsido ang ina sa agarang pagkamatay nito dahil bago nangyari ang insidente ay nagkaroon silang tatlo ng mainitang pagtatalo.

Nang matapos ilibing ay agad gumawa ng aksyon ang ina para ibigiay ang hustisya sa kanyang anak at dahil sa rebelasyon ng nakakabatang kapatid ay napagtagni-tagni nila ang nangyari.

Base sa salaysay ng kapatid ng biktima sa kanyang ina, nitong Disyembre 23, sinabi nitong narinig niya ang kanyang kuya na sumisigaw: “MOMMY SI DADDY PINALO AKO SA ULO”.

Agad niya itong pinuntahan hanggang sa makita ang galit na galit na ama na binubulyawan ang kapatid at mabilis na umalis sa lugar.

Nakita niyang napaupo hanggang sa tuluyang napahiga ang kanyang kuya sa kama na umanoy hirap na hirap sa paghinga kaya huningi ng saklolo sa ina.

Inamin din ng nakakabatang kapatid na madalas siyang bangungutin na katabi ang namayapang kapatid na nasa gitna nila at mahigpit na nakayakap habang nakatingin sa kanilang ina.

Kaugnay nito, nakuha rin ng kanilang lola ang walis na umanoy ginamit sa pagpalo sa biktima na karagdagang ebidensiya kaya tuluyang nagreklamo sa pulisya.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong Parricide na kasalukuyang nakakalaya pa. Dick Mirasol III